344 total views
Kinondena ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang pagpaslang sa environmentalist na si Ricardo Mayumi mula sa Tinoc, Ifugao Province, noong ika-2 ng Marso.
Ayon kay KPNE National Coordinator Leon Dulce, sa kabila ng mga tawag at mensahe ng pagbabanta sa buhay ay matapang na ipinaglaban ni Mayumi ang kanilang ancestral land sa hangarin ng Sta. Clara International Corporation na magtayo ng malaking dam.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pakikiramay si Dulce at nangakong sasamahan ang pamilya ni Mayumi sa paghahanap ng katarungan.
“Death calls, death messages, and images of death blankets failed to make Mayumi cower and give up their struggle. The suspected hired goons and paramilitary troops responsible for shooting and masterminding the killing should be caught and jailed. We express our grievances with the Mayumi family in their moment of great sorrow as we join them in calling for justice for their slain kin,” bahagi ng pahayag ni Dulce.
Bunsod nito, nanawagan ang grupo sa administrasyong Duterte na gumawa ng paraan upang matigil na ang ginagawang pagpaslang sa mga makakalikasan lalo na sa mga katutubong lumalaban upang protektahan ang kanilang lupang ninuno.
Sa pagtataya ng Kalikasan-PNE si Mayumi na ang ika 54 na environmentalist na napaslang sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasalukuyan sinabi ng grupo na umaabot na sa 159 ang kaso ng environment-related killings simula noong 2001.
Dahil dito lumabas sa pag-aaral ng international advocacy group na Global Witness, na noong 2017 ay naging pangalawa ang Pilipinas sa buong mundo sa mga deadliest country para sa mga environmentalists.
Sa encyclical na Laudato Si ni Pope Francis, binibigyan ng mataas na pagpapahalaga ang mga nagtatanggol sa kalikasan dahil ipinahihiram nila ang kanilang tinig sa kalikasang nilikha ng Diyos na araw-araw ay nanganganib na maubos at maglaho.
Naniniwala rin ang Santo Papa na sa kanilang pagtatanggol sa sanilikha, ay itinataguyod din nila ang buhay.