685 total views
Hinihiling ng Center for Energy, Ecology, and Development sa bagong administrasyon na isulong ang renewable energy sa Pilipinas.
Ayon kay CEED Research, Policy and Law Program Head Attorney Avril de Torres, mahalagang bigyang pansin ng pamahalaan ang kahalagahan ng malinis at abot-kayang enerhiya lalo’t apektado ang bansa ng pagtaas sa presyo ng kuryente at produktong petrolyo na labis na nagpapahirap sa mamamayan.
“Majority pa rin po ng kuryenteng ginagamit natin galing sa fossil fuels ay mahigit 70 percent. Kapag sinabi po nating fossil fuels, ito po ay coal, natural or fossil gas or oil,” ayon kay de Torres sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Naniniwala naman ang abogado na maraming posibilidad ang bansa para sa paggamit ng renewable energy na kinakailangang palawakin at paigtingin upang mas makilala at tangkilikin ng publiko.
Ang Pilipinas ay gumagamit ng renewable energy sources kabilang na ang hydropower, geothermal at solar energy, wind power at biomass resources.
Batay sa pagsusuri, nasa higit-200 gigawatts ng renewable energy ang hindi pa nagagamit ng Pilipinas na higit na makakatulong upang matugunan ang umiiral na krisis sa enerhiya ng bansa.
“Mayroon na tayong batas na renewable energy law, marami na tayong polisiya at mekanismo na pwede nating gamitin para isulong ang renewable energy if this is the matter of implementation,” saad ni de Torres.
Iminumungkahi naman ng CEED ang pagkakaroon nang maayos na Energy Transition Plan upang mas masuri ang maaari pang pagkunan ng renewable energy sa bansa, maging ang paghikayat sa mga energy distribution utilities na tangkilikin ito.
Kapag naisakatuparan ito, maaari nang maabot sa taong 2030 ang 50 mula sa 35 porsyentong plano ng bansa para sa pagkakaroon ng ligtas, malinis, at abot-kayang enerhiya.
Ayon sa International Renewable Energy Agency (IRENA), tinatayang aabot sa 7,617 megawatts (MW) ang renewable energy capacity ng Pilipinas noong 2021 kumpara sa 6,986 MW noong 2020.
Una nang iminungkahi ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Laudato Si’ ang pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.(Michael)