650 total views
Mga Kapanalig, inaprubahan noong nakaraang Martes ng Sub-Committee on Correctional Reforms sa Mababang Kapulungan ang panukalang substitute bill na naglalayong panatilihin sa 15 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility o MACR. Sumang-ayon ang mga kasapi ng komite na tutukan na lamang ang epektibong pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act sa halip na ibaba sa siyam na taong gulang ang edad kung kailan ituturing nang kriminal ang isang tao. Magandang balita po ito.
Sa ilalim ng inaprubahang substitute bill, ang pamamalakad ng mga Bahay Pag-asa—o mga pasilidad na kumakalinga sa mga batang nagkasala sa batas na dati’y nasa ilalim ng mga lokal na pamahalaan—ay ililipat na sa DSWD. Sa paraang ito, inaasahang mas matitiyak na ang mga Bahay Pag-asa ay sumusunod sa mga pamantayan upang hindi sila magmistulang mga kulungan. Matitiyak ding may nakalaang pondo para sa mga intervention programs para sa mga batang nagkasala sa batas na maaaring gawin sa kanilang mismong pamayanan, sa mga youth facilities, o sa Bahay Pag-asa. Maging ang mga magulang ay daraan sa mandatory intervention programs katulad ng counselling at parenting seminars. Papatawan din ng mas mahabang panahon ng pagkakakulong ang mga taong gumagamit ng mga bata sa kanilang mga iligal na gawain katulad ng mga sindikato.
Gayunman, marami pa ring kailangang linawin sa panukalang substitute bill, katulad ng anyo at programa ng mga agricultural camps at training facilities kung saan dadalhin ang mga batang nagkasala sa batas na nahatulan na ng korte. Ang tanong: Ano ang mga ilalagay na mekanismo upang hindi malabag ang mga karapatan ng mga batang dadalhin sa mga lugar na ito? May probisyon ding nagsasabing ipipiit ang mga magulang na mabibigong sumailalim sa mandatory intervention program at patuloy na magiging pabaya sa kanilang mga anak. Ang tanong: Kanino ibibigay ang pangangalaga sa mga batang kanilang maiiwan habang nakakulong? Ilan lamang ang mga ito sa mga kailangang pag-aralan nang maigi.
Mga Kapanalig, nasa puso ng mga katuruang panlipunang ng ating Santa Iglesia ang paggalang sa dignidad at karapatan ng mga bata. Naniniwala ang Simbahang ang mga karapatan ng mga bata ay dapat na pinapangalagaan sa ating mga batas at sistemang pangkatarungan. Naniniwala rin tayong laging nariyan ang pag-asang magbago ang mga batang nagkasala sa batas, kung bibigyan sila ng sapat na tulong at hindi natin sila babansagang mga “batang kriminal”. Patuloy na hamon ang pagsusulong ng mga alternatibo sa marahas na pagpaparusa gaya ng pagkukulong.
Rehabilitasyon, hindi pagbibilanggo, ang tunay na makapagtutuwid sa pagkakamali ng mga batang nagkasala sa batas. Rehabilitasyon ang makapagbibigay sa kanila ng pagkakataong magbagong-buhay sa piling ng kanilang pamilya. Mainam kung magagawa ang paggabay mga batang ito sa kanilang pamayanan; community-based intervention, ‘ika nga sa Ingles. Sa epektibong pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act, mabibigyan ng akmang tulong ang mga batang nagkasala sa batas, at mapipigilan rin ang ibang mga batang masangkot o makagawa ng krimen.
Mga Kapanalig, bilang mga “duty bearers”, nakaatang sa balikat nating mga nakatatanda ang pagtiyak na ang pinakamabuting interes (o best interest) ng bata ay napangangalagaan, biktima man sila mga karahasan o mismong nagkasala sa batas. Hindi karahasan ang makapagtutuwid ng anumang kamalian. Sabi nga ng ating Panginoong Hesus, “Ingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: Ito ay sapagkat ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 18:10).
Patuloy nating subaybayan ang panukalang batas hinggil sa pagtrato sa mga batang nagkasala sa batas. Nawa’y tunay ngang maipatupad ang Juvenile Justice and Welfare Act. Tiyakin nating ang dignidad ng mga batang nagkasala sa batas ay mapangangalagaan at, kasabay nito, tulungan din natin, sa abot ng ating makakaya, ang mga taong nagawan nila ng mali.
Sumainyo ang katotohanan.