253 total views
Nanawagan ang NCCP o National Council Commuter Protection sa Duterte administration na makipag – tulungan sa kanilang hanay upang tuluyang maipatupad ang batas sa drunk driving sa ilalim ng Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 at upang madisiplina ang mga ito.
Ayon kay NCCP chairperson Elvira Medina dismayado ito sa Aquino administration sa kakulangan sa ugnayan sa ilang mga non – government organizations tulad nila upang maipamahagi sa ilang mga beerhouse sa Metro Manila ang mga ‘breath analyzer’.
Makatutulong aniya ang intrumentong ito sa pagkuha ng alcohol content ng isang nakainom na driver.
Sinabi ni Medina na makakaasa ang bagong pamunuan ng suporta mula sa kanilang grupo na naglalayong mabawasan ang aksidente sa kalsada dulot ng “reckless driving.”
“Agencies, NGOs like us can help them undertake such project ang problema noong nakaraang administrasyon kahit anong suggestion namin ang gawin tungkol diyan hindi sila nakikinig sa amin. Kasi siyempre kung ibibigay lang ng private companies ang breath analyzer aba ay walang kikitain ang mga gustong kumita. Kaya sana ngayon totohanin tototohanan tong sinasabi ng ating bagong pangulo, makipag – coordinate sila sa amin so that we can contribute our two sense work doon sa ikapag – tatagumpay nung programa,” bahagi ng pahayag ni Medina sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna ng inihayag ni president elect Rodrigo Duterte na sisimulan niya ang pagsasampa ng kasong ng estafa sa mga taxi drivers na hindi magbibigay ng eksaktong sukli, gayundin ang pagbabawal sa mga naka – inom na drivers at pagpapatupad ng 30 to 60 kilometer per hour na speed limit sa EDSA.
Nabatid na sa unang dalawang buwan pa lang ng 2016, halos isang libo na ang aksidente sa kalsada na kinasangkutan ng mga motor at drivers.
Giit naman ng Metropolitan Manila Development Authority, hindi sila nagkulang ng paalala at pagsasabi sa mga motorista na seryosohin ang pagmamaneho sa kalsada.