188 total views
Ito ang mariing panawagan ng mga Lumad kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang “Manilakbayan ng Pambansang Minorya 2017”.
Ang idineklarang batas militar ng Pangulong Duterte sa Mindanao na tatagal ng hanggang ika-31 ng Disyembre 2017 ang itinuturo ng mga Lumad na ginagamit at kinasangkapan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kasama ang mga maiimpluwensiyang negosyante para sila ay puwersahang lumayas o umalis sa kanilang ancestral domain o ancestral land sa Northern Mindanao.
Isiniwalat sa Radio Veritas ni Datu Jomorito Goaynon, spokesperson ng Manilakbayan ang marahas na dinaranas na pang-abuso ng mga Lumad dahil sa umiiral na Martial Law sa Mindanao.
Ibinahagi ni Goaynon na dahil sa Batas Militar ay naging mas madali ang pagpapalayas sa kanila mula sa kanilang ancestral lands, pagsira sa kanilang mga paaralan at pang-aabuso hindi lamang sa mga katutubo kundi maging sa mga Maranao.
“Bitbit namin ngayon yung mga issue ng Moro, yung mga Maranao sa Marawi na hanggang sa ngayon ay patuloy yung aerial bombing, wasak na wasak na yung buong siyudad ng Marawi dahil sa pagdeklara ng Martial Law,” pahayag ni Goaynon sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Goaynon na hindi na nakapagsasaka at hindi na halos lumalabas sa bahay ang mga katutubong Lumad maging ang mga Maranao dahil sa takot na ituring silang mga miyembro ng New People’s Army at mga miyembro ng teroristang grupo na Maute o ISIS.
Bukod dito, mariing kinokondena ng mga katutubo ang hindi makataong pagwasak at pagsunog ng militar sa mga ipinatayong paaralan ng kanilang tribu dahil lamang sa hindi totoong paratang na ito ay paaralan ng rebeldeng komunista.
Read: Hindi NPA ang mga gurong Lumad
Dahil sa dinaranas na kaapihan at pang-aabuso, umaapela si Goaynon sa sambayanang Pilipino na suportahan at makiisa sa kanilang Manilakbayan 2017 na kasalukuyang may kampuhan sa University of the Philippines Diliman, Quezon City.
Umaasa si Goaynon na pakinggan at tugunan ng Pangulong Duterte ang kanilang panawagan na ipawalang bisa na ang batas militar at sagipin ang mga Lumad mula sa pang-aabuso ng mayayamang negosyante na nais kamkamin ang kanilang lupain.
“Nananawagan kami na sana matulungan ninyo kami sa lahat ng bagay-bagay, pagkain gamot at iba pang puwedeng suporta ninyo dito sa amin sa kampuhan sa UP Diliman, para magtagumpay yung aming paglalakbay at yung usapin na dinadala namin sa mga ahensya ng gobyerno ,” dagdag pa nito.
Samantala, bukod sa mga pagkain at gamot, hiniling din ni Goaynon na suportahan ang pansamantalang nagsisilbing paaralan ng mga katutubo at Maranao sa UP Diliman.
Pagbabahagi nito, tinawag nilang Bakwit School ang munting Learning Center na ibinahagi ng UP sa mga batang Lumad upang maipagpatuloy ang pag-aaral sa gitna ng umiiral na Martial Law sa Mindanao.
“Yung Bakwit school ang malaking maitutulong doon at suportang pagkain pa rin gamot, at yung mga papel, ballpen at iba pang mga gamit sa pag-aaral nila ngayon kasi dito pa sila sa University of the Philippines Diliman, patuloy yung Bakwit school hanggang sa December hanggang i-lift yung Martial law,” panawagan ni Goaynon.
Ang Manilakbayan ng Pambansang Minorya 2017 ay mananatili sa UP Diliman hanggang ika-21 ng Septyembre.
Matapos ito, babalik na sa Mindanao ang ilan sa kanilang miyembro, habang maiiwan naman ang ilang mag-aaral sa ilalim ng pangangalaga ng unibersidad hanggang i-lift ng Pangulong Duterte ang batas militar sa Mindanao.
Ayon sa katuruan ng Simbahan, ang mga katutubo ay dapat na pinangangalagaan ng pamahalaan dahil ang mayamang kultura nito ang tunay na pinagmulan ng isang bansa.
Kinondena din ng Kanyang Kabanalan Francisco sa encyclical na Laudato Si ang ginagawang pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang lupain dahil sa pagpasok ng mga negosyo tulad ng plantasyon, mga power plant at pagmimina.