108,091 total views
Mga Kapanalig, para sa marami nating kababayan, ang Semana Santa ay panahon ng pagpapahinga at pagbabakasyon kasama ang pamilya o mga kaibigan. Kasama ba kayo sa kanila? Naisip n’yo bang pumasyal sa probinsya ng Bohol para mapuntahan ang pamosong Chocolate Hills?
Siguradong nabalitaan ninyo ang kontrobersyal na resort na itinayo sa paanan ng mga burol na idineklara ng UNESCO bilang isa sa mga national geological monuments sa Pilipinas. Matatagpuan ang resort sa bayan ng Sagbayan. Ang resort na may malaking swimming pool at mga cottages ay nasa protected zone na itinalaga ng gobyerno noong 1997 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1037. Noong 2023, iniutos ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) ang pansamantalang pagpapasara sa naturang resort dahil sa kawalan nito ng ECC o environmental compliance certificate.
Pero nagpatuloy sa pag-operate ang resort. Katwiran ng may-ari, iniaapela pa kasi nila ang utos ng DENR. Nasa proseso rin daw sila ng pagkuha ng ECC. Ginamit pa nga itong venue ng swimming competition ng lokal na pamahalaan nitong nakaraang taon. Kung hindi pa lumabas at kumalat sa social media ang tungkol resort na ito, hindi malalaman ng taumbayan ang mistuang pagbabalahura sa kamangha-manghang mga burol ng Bohol.
Hindi na bago ang ganitong pagbabalewala sa halaga ng likas-yaman at kalikasan sa ngalan ng negosyo at kita. Maraming lugar sa ating bansa ang pinasok na ng komersyalismo. Pumunta tayo sa mga lugar na nasa tabing-dagat, makikita nating namumutiktik ang mga private resorts. Pumunta tayo sa mga isla, malalaman nating bantay-sarado ang ilan sa mga ito dahil binili na ng mga pribadong tao at negosyo. Pumunta tayo sa mga kabundukan, makikita natin ang mga hotel na nag-aalok ng magandang view. Pumunta tayo sa mga talon o falls, makikita natin ang mga kainan at tindahang tila wala sa tamang mga lugar.
Ginagamit na dahilan ng mga ganitong negosyo ang turismo dahil nagbibigay daw ito ng trabaho sa mga tao at nagpapasigla ng lokal na ekonomiya. Sa isang banda, totoo naman ito, lalo na kung wala naman ibang industriyang pumapasok sa isang lugar o kaya naman ay napababayaan na ang sektor ng agrikultura. Sa kabilang banda, sinasamantala naman ito ng mga negosyanteng nais lamang kumita kahit pa masira ang kalikasan. Ang masaklap pa, ang gobyernong dapat na nagbabantay sa mga ganitong negosyo ay nagiging instrumento pa ng iresponsableng turismo.
Sagana sa likas-yaman ang ating bansa at biyayang maituturing ang mga ito. Kaya dapat na pahalagahan natin ang mga ito at ipagtanggol mula sa mga interes na ang tanging layunin ay pagkakitaan ang pagkasira ng kalikasan at ng hindi matutumbasang halaga ng mga ito. Hindi masamang maglibang sa mga magagandang tanawin, ngunit huwag sana ito humahantong sa hindi na maitatamang mga pinsala. Dagdag pa ng Catholic social teaching na Laudato Si’, makaugnay ang pagkasira ng kalikasan o environmental degradation at ang human, ethical, and social degradation. Ang pinsala sa kalikasan ay kapinsalaan din sa ating mga tao, sa ating pagpapahalaga sa tama at mabuti, at sa ating ugnayan sa isa’t isa.
Mga Kapanalig, kasakiman ang ugat ng pagsira sa mga lugar na nagbibigay sa atin ng buhay at karangalan, katulad ng kamangha-manghang Chocolate Hills ng Bohol. Nakalulungkot na mas nangibabaw ang pagnanais na kumita kaysa sa pagpapanatili ng ganda at halaga ng natatanging biyayang ito mula sa Diyos. Paalala nga sa Mangangaral 5:10, “Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang sakim sa kayamanan ay hindi masisiyahan sa kaunting pakinabang.” Sa huli, nasa ating mga ordinaryong mamamayan ang choice kung tatangkilikin natin ang mga negosyong walang pagpapahalaga sa kalikasan at sa halaga ng lugar na kanilang inangkin.
Sumainyo ang katotohanan.