63,130 total views
Kapanalig, ang Pilipinas ay isang bansang agrikultural na lubos na umaasa sa pagsasaka para sa kabuhayan ng maraming mamamayan. Ang irigasyon, o ang sistematikong pamamahagi ng tubig sa mga taniman, ay isang mahalagang aspeto ng agrikultura na may malaking epekto sa produksyon ng mga pananim, seguridad ng pagkain, at pangkalahatang pag-unlad ng bansa.
Ang irigasyon ay nagbibigay ng kinakailangang tubig sa mga pananim, lalo na sa mga panahon ng tag-init o tagtuyot. Sa pamamagitan ng sapat na patubig, mas mataas ang ani at mas sigurado ang produksyon. Ito ay mahalaga lalo na sa mga palayan, na siyang pangunahing pinagkukunan ng bigas ng bansa.
Dahil din sa irigasyon, ang mga magsasaka ay hindi lamang umaasa sa ulan para sa kanilang taniman. Maaari silang magtanim at mag-ani ng higit sa isang beses sa isang taon, na nagreresulta sa mas maraming produksyon at kita para sa mga magsasaka. Kapag maraming produksyon, tumataas ang income nila.
Ang mas mataas na produksyon ng agrikultura ay malaki ang ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa. Ang irigasyon ay nagpapataas ng produktibidad ng lupa at nagiging daan upang mas maraming produkto ang maibenta sa lokal at pandaigdigang merkado.
Kapag sapat ang irigasyon, nagiging mas matatag ang suplay ng pagkain sa bansa. Ito ay mahalaga upang masigurong may sapat na bigas at iba pang pangunahing pagkain para sa populasyon, lalo na sa panahon ng kalamidad o krisis. Sa ngayon kapanalig, tayo na ang number one rice importer sa buong mundo.
Kailangan na natin mai-saayos ang irigasyon sa bansa, lalo ngayon na mas tumitingkad na ang epekto ng climate change. Ang mga malalakas na bagyo ay lubos na pumipinsala sa maraming irrigation facilities sa bansa. Noong nagdaang Bagyong Aghon nga lamang nitong Mayo, umabot agad sa P200.3 million ang na-damage na irrigation facilities sa CALABARZON.
Ang irigasyon ay isang mahalagang aspeto ng agrikultura sa Pilipinas na may malaking epekto sa produksyon ng pagkain, ekonomiya, at seguridad sa pagkain. Kailangan ng pondo at suporta mula sa gobyerno at pribadong sektor. Maraming irrigation projects ang ang hindi natutuloy o natatapos dahil sa limitadong budget. Ang hindi epektibong pamamahala at mga isyu sa korapsyon ay nagiging hadlang din sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa irigasyon. Maraming proyekto ang naudlot o hindi nagiging matagumpay dahil sa mga anomalya sa proseso.
Mainam at mas maraming plano ngayon, gaya ng pag-gamit ng solar power upang maisa-ayos ang irigasyon sa bansa. Kapag naisayos natin ito, maraming mga magsasaka ang makikinabang at matitiyak natin ang maayos na suplay ng pagkain. Tugon din ito sa hamon ng Mater et Magistra, bahagi ng Panlipunan Turo ng Simbahan: Increase in production and productive efficiency is, of course, sound policy, and indeed a vital necessity… everything must be done to ensure that social progress keeps pace with economic progress.
Sumainyo ang Katotohanan.