274 total views
Kaisa ang Arkidiyosesis ng Cagayan de Oro sa panawagan ni Pope Francis sa mas maigting na pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, ang pagpapahalaga sa kapaligiran ay sumasalamin sa pananampalataya at pakikipag-ugnayan ng tao sa Panginoon.
“Isama natin sa ating pagkakabanal na ang holiness ay hindi lang sa pagdarasal ngayon kundi sa pag-aalaga rin ng kalikasan sapagkat ito ay buong creation of God at tayo ay magkakasama dito,” pahayag ng Arsobispo.
Kaugnay nito ay patuloy ang ginagawang proyekto ng Arkidiyosesis kabilang na ang paglalagay ng mga water shed upang mapangalagaan ang lungsod mula sa anumang banta ng sakuna at mabigyan ng mas malagong kabuhayan ang mga mamamayan.
Una nang nagsagawa ng malawakang pagkilos ang Simbahang Katolika kabilang na ang Season of Creation na inorganisa ng Global Catholic Climate Movement- Pilipinas at Walk for Creation na pinangunahan naman ng Archdiocese of Manila Ecology Ministry na kapwa nagmumulat sa mga mananampalataya sa kasalukuyang kalagayan ng daigdig.
Batay sa ulat ng United Nations ngayong 2017, pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa na pinaka-nakararanas ng kalamidad sa buong mundo.
Sa kanyang Encyclical Letter na Laudato Si, sinabi ni Pope Francis na babalik sa tao ang sakunang maaaring idulot ng kapabayaan at pang-aabuso sa kalikasan.