177 total views
Mahalaga ang pagsunod at pakikipagtulungan ng mga residente sa mga otoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Ompong na inaasahang lalakas pa bilang isang Super Typhoon.
Umaapela si Diocese of San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa lahat na sumunod sa mga Opisyal ng Pamahalaan lalo na ang mga naninirahan sa tabing dagat, mga landslide prone area at ilog sa kanilang kaligtasan.
Iginiit ng Obispo na walang maidudulot na mabuti ang pagmamatigas sa halip ay maaring pang magdulot ng kapahamakan hindi lamang sa sarili kundi sa buong pamilya.
“Pinapaalala po namin dun sa lalong lalo na po sa mga nasa tabing dagat kung pwede po ay sumunod tayo sa ating mga Otoridad at huwag pong matigas ang ulo po natin. Hinihiling ko po sana yung Cooperation sa mga oras pong ganito ay mahalaga po para po sa kaligtasan din ng lahat…” panawagan ni Bishop Mallari sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag din ng Obispo ang patuloy na pagsasagawa ng monitoring at paghahanda ng inisyal na relief items ng Social Action Center ng Diyosesis upang agad na makapagpaabot ng tulong sa mga maaring maapektuhang residente.
Bukod dito, tiniyak rin ni Bishop Mallari na bukas ang Simbahan upang tumulong sa mga residenteng lubos na maapektuhan ng bagyo.
Batay sa tala, may 864,000 ang bilang ng populasyon sa Diocese of San Jose, Nueva Ecija na binubuo ng 3 bikaryato na mayroong 19 na mga Parokya.
Nagbahagi rin ng panalangin ang Obispo, upang ipag-adya ng Panginoon ang bansa mula sa pananalasa ng Bagyong Ompong.
PRAYER
“Ama naming mahabagin, Sama-sama po kaming sumasamo sa inyong pagmamahal ngayon pong hinihintay po namin ang isang ayon sa balita isang malakas na bagyo na maaring makaapekto sa aming mga kababayan lalo na po dito sa Gitnang Luzon at dun sa mga dadaanan po ng bagyo.
Hinihiling po namin na sana po kung kagustuhan po ninyo at gugustuhin ninyo na mapaalis po o maiwasan yung mga kababayan namin lalong lalo na po yung mga malapit na pong anihin na mga palayan, mga pananim at para po sa kabuhayan ng aming mga mamamayan.
Tulungan niyo po kami pero yung minimithi po namin ay sa lahat ng oras ay papag-alabin mo po ang aming pananampalataya para sa lahat ng oras ay mabuo ang aming loob at ang aming pananampalataya na patuloy kang gagabay sa amin sa lahat ng oras.
Ito po ay hinihiling namin Panginoon, sa ngalan din ni Hesus na aming Panginoon. Amen.