327 total views
Mga Kapanalig, halos dalawang taon na ang pandemya. Patuloy pa rin ang pagragasa nito hindi lamang sa kalusugan ng mga tao ngunit maging sa ating mga kabuhayan. Bagamat may mga kumpanya nang tuluyang nagpapatupad ng work-from-home setup at ang iba ay pinag-aaralang mag-operate sa ilalim ng mahigpit na health protocols, mayroong mga manggagawang hindi pa rin tuluyang nakababalik sa kanilang paghahanapbuhay.
Ayon sa report ng Asian Development Bank na pinamagatang A Crisis Like No Other – COVID-19 and Labor Markets in Southeast Asia, kabataan at kababaihan ang pinakamatitinding biktima ng kawalan ng trabaho dulot ng pandemya sa Timog-Silangang Asya. Ang kabataang edad 15 hanggang 24 ay bumubuo sa 15% ng mga manggagawa sa Indonesia, Pilipinas, Thailand, at Vietnam. Halos kalahati (o 45%) ng mga manggagawa sa sektor na ito ang nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Karamihan ng kabataan ang apektado dahil karaniwan silang nagtatrabaho sa hotel at restaurants, wholesale at retail trade, o mga sektor na matinding tinamaan ng mga tigil-operasyon dala ng pandemya. Samantala, nahinto sa trabaho ang mga babe dahil sa pangangailangang asikasuhin ang kanilang pamilya sa gitna ng pandemya. Maaaring ito ay pag-aalaga sa mga miyembro ng pamilyang nagkasakit o ‘di kaya ay pagtuturo sa mga anak na kinakailangang mag-distance learning. Ipinapakita nito ang tradisyonal na papel na patuloy na ikinakabit sa kababaihan bilang mga taga-alaga sa tahanan.
Dagdag pa ng report ng ADB, pinatindi ng pandemya ang hindi pagkakapantay-pantay sa sektor ng paggawa, lalo na sa skilled at unskilled ng mga manggagawa. Dahil sa kawalan ng kasiguruhan at mga banta ng pagsasara o paglipat ng mga kumpanya sa ibang lugar, maituturing na pinaka-vulnerable ang mga manggagawa sa informal na sektor, self-employed, temporary, at maging migrant workers. Sa huli, nirerekomenda ng report na paigtingin ng mga pamahalaan ang kanilang social protection programs upang masigurong may sasalo sa mga manggagawa sa panahon ng krisis. Kinakailangan din ang pamumuhunan sa human capital o sa mga paglinang sa kakayahan ng mga tao mismo, at siguruhin ang isang pagbangong walang iniiwan.
Ipinaaalala sa atin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang mahalagang papel ng paggawa o trabaho sa pagtataguyod sa dignidad ng tao. Naniniwala ang ating Simbahang ang paggawa ay pamamaraan upang matugunan natin ang ating mga pangangailangan, maipahayag natin ang ating sarili, at makapag-ambag tayo sa lipunang ating ginagalawan. Kaya naman isinusulong ng Santa Iglesia ang karapatang makapagtrabaho ng bawat tao—anuman ang kanilang edad, kasarian, o kakayahan.
Sa gitna ng krisis na dala ng pandemya at ng unti-unti nating pagbangon mula rito, lahat ay may karapatang magtrabaho. Katulad ng sinasabi sa Roma 2:11 na “walang kinikilingan ang Diyos,” ang bawat isa ay kinakailangang magkaroon ng oportunidad na magtrabaho, makatanggap ng sapat na kita, at malaman ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa. Pangunahing tungkulin ng pamahalaang siguruhing ang mga patakaran at programa nito ay nakatuon sa kaunlaran ng tao, lalo na ng mga naisasantabi sa lipunan. Sa pangunguna ng pamahalaan at tulong ng mga instistusyong katulad ng Simbahan, kailangan ang mga hakbang na bubuo ng pantay na pagkakataon para makapaghanapbuhay ang lahat at siguruhing walang maiiwan sa ating pagbangon.
Mga Kapanalig, sa unti-unting pagbubukas ng mga ekonomiya, nawa’y maisaalang-alang ang mahalagang papel ng mga manggagawa sa kaunlaran. Ayon nga kay Pope Francis, hindi tayo dapat umahon mula sa krisis na ito na parang katulad tayo ng dati, na parang walang nagbago; mas magiging mabuti tayo o mas magiging masama. bubuti tayo o sasama. Sa susunod na taon at sa ating unti-unting pagbangon, sana piliin nating maging mas mabuting lipunan para sa ating mga manggagawa.