1,563 total views
Pahalagahan ang bawat lupang tinataniman upang matiyak na sapat ang suplay ng pagkain sa lipunan.
Ito ang mensahe ni Rodne Galicha, Executive Director ng Living Laudato Si Philippines, sa paggunita tuwing December 05 ng World Soil Day.
Kaugnay nito, iginiit ni Galicha na maisabatas na ang nakabinbing panukalang National Land Use Act.
Binigyaan-diin na mabibigyan ng karagdagang proteksyon ang mga lupang sakahan sa pagsasabatas ng nasabing panukala.
Bukod sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain ay makakatulong din ang panukalang batas na paigtingin ang pangangalaga sa mga lupang minana ng mga katutubo at pangangalaga sa kalikasan.
“Sa bawat hininga ng ating buhay, ang lupa ay napakahalaga. Mula sa mga maliliit na organismong nakapaloob, mga halama’t punong nakabaon ang mga ugat hanggang sa mga daho’t bunga, ito’y nagbibigay buhay at kabuhayan, ang pagpapanatili ng integridad at balanse sa mga natural na proseso sa lupa ang lubos na magdudulot ng kasaganaan sa kalikasan,” pahayag ni Galicha sa Radio Veritas.
Ayon sa United Nations (UN), taong 2002 ng sinimulan ng International Union of Soil Sciences (IUSS) ng Thailand ang World Soil Day, taong 2013 naman ng opisyal itong ginunita bilang pangdaidigang araw ng kamalayan ng UN- Food and Agriculture Organization.
Pangunahing layunin ng World Soil Day na isulong ang kaalaman ng bawat isa sa kahalagahan ng lupa sa buong mundo, kasabay ito ng paglikha ng mga paraan o polisiyang mangangalaga sa mga lupang taniman sa buong mundo.