631 total views
Hinikayat ni Bontoc-Lagawe Bishop Valentine Dimoc ang bawat mananampalataya na isabuhay ang mga aral mula sa mga gawain sa pagdiriwang ng Season of Creation.
Ayon kay Bishop Dimoc, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous Peoples na sa dami ng mga gawaing pumipinsala sa kapaligiran ay marapat lamang na kumilos na ang mga tao upang mapigilan ito.
“There are many ways of celebrating and living the Season of Creation. A way of life to celebrate it is by segregating our waste at home, planting vegetables in flower pots, and living simple lives,” pahayag ni Bishop Dimoc sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang-diin din ng opisyal ng CBCP ang mahalagang gampanin ng mga katutubo bilang tagapagbantay ng kapaligiran.
Sinabi ni Bishop Dimoc na mahalagang isulong ang pangangalaga sa mga katutubong komunidad sapagkat nakakaranas ang mga ito ng pang-uusig at pagbabanta dahil sa paninindigang pangalagaan at ipagtanggol ang mga lupaing ninuno mula sa pagpasok ng malalaking korporasyon.
“Season of Creation also encourages us to advocate the protection of Indigenous peoples who are the guardians of the environment in their respective domains,” ayon kay Bishop Dimoc.
Dalangin naman ng Obispo ang patuloy na kaligtasan ng mga katutubo sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan mula sa anumang panganib.
Tema ng Season of Creation ngayong taon ang ‘Listening to the Voice of Creation’ kung saan hinihikayat ang bawat isa na pakinggan at unawain ang kalagayan ng ating nag-iisang tahanan kabilang ang mga mahihirap na komunidad tulad ng mga katutubo na higit na apektado ng mapaminsalang pag-unlad.
Karaniwang ipinagdiriwang sa buong mundo ang panahon ng paglikha mula unang araw ng Setyembre hanggang Oktubre 4 kasabay ng kapistahan ni San Francisco de Asis, ang patron ng kalikasan.