2,237 total views
Maraming aral na dapat na matutunan ang mga kabataan sa pagkakapaslang kay dating Senator Benigno ‘Ninoy’ Aquino.
Ito ang binigyang diin ni Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) Chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm. kaugnay sa ika-40 anibersaryo ng pagkakapaslang kay Ninoy Aquino.
Ayon sa Pari, si Ninoy ang naging simbolo ng oposiyon noong panahon ng Batas Militar sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na mariing nanindigan para sa demokrasya ng bansa.
Paliwanag ni Fr. Buenafe, kabilang sa mga aral na dapat na maunawaan at isulong ng mga kabataan hanggang sa kasalukuyang panahon ay paninindigan para sa dignidad at karapatang pantao ng bawat isa gayundin ang paglaban sa anumang uri ng pang-aapi, paniniil o panggigipit sa lipunan.
Giit ng Pari, hindi dapat na kalimutan ng sambayanang Pilipino ang mga nangyari sa nakaraan na bahagi na ng kasaysayan ng bansa at maaring magsilbing gabay para sa hinaharap.
“Kung aral lang ang daming aral ang dapat nating matutunan na sa isang demokrasya, walang puwang yung pang-aapi, panggigipit, pagpatay, yung pag-violate ng mga iba’t ibang forms ng human rights natin, yung tinatawag na human rights violations. Yun nga ngayon nakakalungkot kasi madaling makalimutan ng Pilipino people, ng sambayanang Pilipino kung ano ang nangyari sa nakaraan… So never again sa tinatawag natin na Tyranny o dictatorship kaya Ninoy Aquino was the symbol of opposition at that time who challenge the Marcos (Sr.) government.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Buenafe sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi ng Pari ang paggunita ng ika-40 anibersaryo ng pagkakapaslang kay Ninoy Aquino ay isang paalala at patuloy na hamon sa bawat isa upang patuloy na isabuhay ang panininndigan sa mga karapatang pantao at kasarinlan ng bansa.
Ayon kay Fr. Buenafe, dapat na matuto ang mga Pilipino sa mga aral ng kasaysayan upang hindi na muling maulit pa ang mga sistemang kinundina at kinalaban ni Ninoy Aquino apatnapung taon na ang nakakalipas.
“We don’t only remember but this should reminds us of our rights and wisdom na dapat nating ipaglaban at nakakalungkot na parang kontento na at parang naging passive na ang sambayanang Pilipino, kaya gusto nating isabuhay uli kung ano yung pinaglalaban ni Ninoy Aquino at that time na hanggang ngayon ang sistema ay ganun pa din at parang bumalik tayo sa parang hindi tayo natuto, maraming aral na mapupulot natin.” Dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Apat na dekada na ang nakalipas, noong 1983, nang barilin sa ulo si Ninoy habang bumababa ng eroplano sa tarmac ng noo’y Manila International Airport kasama ang mga sundalong magdadala sa kanya sa bilangguan, kilalá si Ninoy na matapang na kritiko ni Marcos na dinakip sa araw na isinailalim ang Pilipinas sa batas militar at walong taóng ibinilanggo.
Ang pagkakapatay kay Ninoy noong 1983 ang naging ningas ng paninindigan ng mga Pilipino laban sa rehimen ni Marcos Sr. hanggang sa maganap ang mapayapang People Power Revolution noong 1986.