175 total views
Inaanyayahan ni Marawi Bishop Dela Peña ang mga mananampalataya na isagawa ang ‘corporal works of mercy’ sa paggunita ng Semana Santa at kuwaresma.
Ayon sa Obispo, ito upang maging makahulugan ang ginagawang paggunita sa sakripisyo ni Hesukristo na ating manunubos at iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.
“Gawin natin ang corporal works of mercy sa halip na we simply do the traditional exercises like fasting. Fasting is good but maybe the kind of fasting that would benefit our brothers and sisters ganun ang mas makabuluhan na sacrifice,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Kabilang sa corporal works of mercy ay ang pagpapakain sa mga nagugutom, pagdalaw sa mga may sakit at mga namatay.
Sa ganitong paraan ayon kay Bishop Dela Peña ay mamumulat ang bawat isa sa katotohanan na dapat nating kalingain at pagmalasakitan ang ating kapwa.
“Translate natin sa social awakening, ‘yung magiging aware tayo maging bukas tayo sa katotohanan na ‘we are responsible to one another that we are our brothers keeper’. Let us be more socially aware and socially involve,” dagdag pa ng Obispo.
Inihalimbawa ni Bishop Dela Peña ang pagtulong sa mga internally displaced people (IDP’s) sa Marawi City, lalu’t marami pa rin ang hindi nakakatiyak kung kailan makakabalik sa kanilang tahanan matapos na masira ng limang buwan na digmaan ang kanilang lugar.
Bagama’t tapos na ang digmaan ay hindi pa nakakabalik ang mga residente mula sa may 24 barangay na bahagi ng ground zero o lugar na naging sentro ng barilan sa pagitan ng mga terorista at mga otoridad na nangangailangan pa rin ng tulong.
Buwan ng Mayo nang lusubin ng Maute-Isis group ang Islamic City of Marawi kung saan higit sa 300,000 ng mga residente ang lumikas at umaabot naman sa higit 1,000 ang kabuuang napatay sa bakbakan.