233 total views
Hinimok ng pinunong pastol ng Diyosesis ng Cabanatuan ang mananampalataya na higit palalimin ang pananampalatayang Katoliko sa paggunita ng mga Kapistahan ng mga Banal ng Simbahan.
Ito ang mensahe ni Bishop Sofronio Bancud sa kapistahan ni San Juan Bautista na gugunitain ng Simbahang Katolika sa ika – 24 ng Hunyo.
Ayon sa Obispo, mahalagang isabuhay ng bawat mananampalataya ang mga gawain ni San Juan Bautista na nagsakripisyo para sa Panginoon sa pangunguna ng paghahanda sa pagdating ni Hesukristo.
“Aking paanyaya para sa lahat ng mga deboto ni San Juan Bautista ay ating palalimin ang ating pananampalataya, pananampalatayang buhay, pananampalatayang handang makatugon sa hamon ng panahon,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.
Hinamon ng Obispo ang mga mananampalataya na maging huwaran si Juan Bautista upang ang lahat ay makasusunod sa kalooban ng Panginoon.
Inihayag ni Bishop Bancud na ang pagdiriwang sa Kapistahan ay akma sa kasalukuyang panahon bilang kaisa ng Simbahan sa misyong paghahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa pamayanan.
“Sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ni San Juan Bautista isa sa pinakamagandang debosyon sa ating mananampalataya; nawa’y matularan ang kanyang halimbawa ng pagtitika yung fast and abstinence ay dapat nating mapalawig ang paggamit nito sapagkat makatutulong ito sa atin sa pagiging mga alagad ng Panginoon,” dagdag pa ni Bishop Bancud.
Ipinagdarasal ng Obispo na tulad ni San Juan Bautista ay maging huwaran ang mga mananampalataya sa pagpapalaganap ng pananampalataya at pagkalinga sa kapwa.
Kaugnay dito, isasagawa ng Saint John the Baptist Parish sa Bibiclat Aliaga Nueva Ecija ang ‘Taong Putik Festival’ bilang pagpaparangal kay San Juan Bautista at pasasalamat sa Panginoon sa mga biyayang ipinagkaloob.
Ang pagdiriwang ay paggunita rin sa karanasan ng mga ninuno sa lugar na naligtas sa kamatayan sa kamay ng mga Hapon sa tulong ng Panginoon at sa pamamagitan ni San Juan Bautista noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Ito na ang ika – 75 taong ipagdiriwang sa lugar ang ‘Taong Putik Festival’.
Dahil dito inaanyayahan ni Bishop Bancud ang mga deboto ni San Juan Bautista at lahat ng mananampalataya na makiisa sa pagdiriwang ng Kapistahan ng patron sa pamamagitan ng prusisyon sa madaling araw at pagdiriwang ng Banal na Misa sa alas 6 ng umaga sa June 24 na pangungunahan ng Obispo.
Ito ay pagpapakita na bukod sa paggunita sa tradisyon at kultura sa lugar ay pinahahalagahan din ang espiritwal na buhay.
“Nawa’y ang pagdedebosyon ay makapagdulot sa atin na magmasid, tumingin sa ating kapaligiran tingnan ang nagaganap sa ating lipunan at sa mundong ating kinabibilangan; higit sa lahat tumugon bilang buhay na saksi sa pananampalataya at alagad ng ating panginoong Hesus,” pahayag ng Obispo.
WATTAH WATTAH FESTIVAL
Samantala, ipagdiriwang naman ng lunsod ng San Juan sa Metro Manila ang ika – 16 na taon nang Basaan Festival o Wattah Wattah Festival bilang parangal kay San Juan Bautista.
Subalit ngayong taon tutukan sa lugar ang pangangala sa kalikasan kabilang na ang pagtitipid ng tubig dulot ng nararanasang krisis at pagpapalalim sa espiritwal na aspeto ng pagdiriwang.
Read: Renewing faith at pangangalaga ng kalikasan, mensahe ng Wattah Wattah festival
Si San Juan Bautista ang sugo ng Diyos na tagapagpakilala ng manunubos nang kanyang binyagan sa ilog ng Jordan ang pinsan niyang si Hesus.