16,052 total views
Nagpasalamat si Antipolo Bishop Ruperto Santos sa mga debotong nakiisa sa pilgrimage season ng diyosesis sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral.
Sa pagatatapos ng Ahunan sa Antipolo nitong July 9,binigyang diin ng obispo ang paalalang bukas-palad na tinanggap ng Mahal na Birhen ang bawat debotong dumulog sa dambana ng international shrine kaya’t marapat lamang na ibahagi sa kapwa ang anumang biyayang natamo sa pagdidebosyon sa Mahal na Ina na gumagabay tungo sa landas ni Hesus.
“Tayo ay aka-ahon, tayo’y naka-akay, ngayon naman tayo ay may kakayahan na magbigay at mag-alay,” pahayag ni Bishop Santos.
Habilin ng obispo sa mananampalataya at deboto ng Mahal na Birhen ng Antipolo na isabuhay sa mga kinabibilangang komunidad ang mga halimbawa ng Mahal na Ina lalo na ang kababaang loob at katapatang sundin ang kalooban ng Diyos.
Nagsimula noong May 7, unang martes sa buwan ng Mayo ang pilgrimage season ng international shrine kung saan libu-libong mga deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang nakilahok sa tatlong buwan na Ahunan sa Antipolo.
April 30 nang isagawa ang nakagawiang pagdalaw ng Mahal na Birhen ng Antipolo sa nakadambanang Jesus Nazareno sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church na hudyat ng pagsisimula sa pilgrimage season.
Sinundan ito ng tradisyunal na paglalakad mula Quiapo Church pabalik sa international shrine kung saan milyong deboto ang nakilahok sa humigit kumulang sampung oras na Walk for Peace.
Naniniwala si Bishop Santos na ang mga gawain sa pilgrimage season lalo na ang pagdalaw sa mapaghimalang imahe ng Mahal na Birhen ng Antipolo ay makatutulong upang higit na lumago ang pananampalataya ng mamamayan tungo kay Hesus.
Una nang sinabi ni Bishop Santos na hangarin ng kanyang pagpapastol sa diyosesis na maging tampok ang lalawigan ng Rizal bilang ‘pilgrim capital’ ng Pilipinas na makatutulong sa pagpapalago ng kristiyanong pananampalataya.