604 total views
Ito ang mensahe ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari at Sangguniang Laiko ng Pilipinas (SLP) sa paggunita ng ‘World Communication Day’ noong May 29 kasabay ng Ascension Sunday o Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Hesus.
Ayon kay Bishop Mallari, mahalaga ang komunikasyon at mga gampanin ng mga kompanya’t manggagawang nagtatrabaho sa larangan upang manatili ang pagkakaisa at pag-unlad.
Inihalintulad din ni Bishop Mallari ang komunikasyon sa ‘dugo’ na simbolo ng buhay dahil ito ang nagbibigay buhay at naghahatid ng mga importanteng balita sa buong daigdig.
“Salamat sa Diyos dahil nabibigyan ng importansiya ang Social Communication, Maaring ikumpara ito sa dugo ng katawan na nagbibigay ng oxygen at buhay sa bawa’t bahagi ng katawan, Mahalaga ito sa paglalakbay natin ng sama-sama upang walang naiiwan lahat kasama, kasama lahat,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Obispo sa Radio Veritas.
Umaasa naman si Bro. Jun Cruz – Pangulo ng SLP na hindi makalimutan ng bawat isa ang pangako ng Panginoong Hesus Kristo na mananaig ang kabutihan at katotohanan.
Hinimok din ni Cruz sa bawat isa na patuloy na pagtingala, pananalangin at pagkilos upang makarating pa sa mas nakakarami ang mga gawaing katulad ng Laudato Si Movement na layuning isabuhay ang panawagan ng Kaniyang Kabanalang Francisco na alagaan ang daigdig.
“Pagkilos at pagtutulungan, kahit lamang sa ating mga pamilya at pamayanan. Bagamat merong pinagdaanang hirap sa ekonomiya ang bayan natin at ang buong mundo, mananaig pa rin ang kabutihan, ang buhay at ang katotohanan. Iyan ang pangako ni Jesus, na siyang daan, katotohanan at buhay,” pagbabahagi ni Cruz sa Radio Veritas.
Sa pagtatapos ng Marian Month of May o Buwan ng Debosyon sa Mahal na Birheng Maria at 56th World Communications Day, hinimok ng Kaniyang Kabanalang Francisco ang bawat kristiyano na pakinggan ang hinaing at pangangailangan ng kapwa.
Naging mensahe rin ni Pope Francis ang kahalagahan ng tunay na pakikinig gamit ang puso upang mabatid ang mga mensaheng nais iparating sa lipunan at maisabuhay ang diwa ng pakikipag-diyalogo.