250 total views
March of the Saints sa halip na Halloween party.
Ayon Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, ito ang kaugaliang dapat buhayin at mamayani sa mga Filipino ngayong undas.
Imbes na dumalo sa mga halloween parties, sinabi ng Obispo na idapat isabuhay at alalahanin ng bawat Katoliko ang kabutihan na ipinamalas ng mga santo na nagpalago sa pananampalatayang Kristiyano.
“Out of place ‘yung Halloween Party. Sa halip na Halloween bakit hindi natin gawing March of the Saints. Ang alalahanin natin ay yung mga banal eh ba’kit yung aalalahanin mo yung mga pananakot, hindi dapat yon. It should be joy and happiness at hind yung pagtatanim ng anumang pananakot sa atin,” pahayag ni Bishop Bacani.
Idinagdag pa ni Bishop Bacani na maituturing na gawaing pagano ang pagtangkilik, paggamit at pagsusuot ng mga nakakasindak na kasuotan na nakapadudulot malaking takot sa mga tao.
“That’s a pagan practice and that’s a commercialization na hindi nararapat sa isang bansang Kristiyano na katulad natin,” pagbibigay-diin ng Obispo.
Kaugnay nito, una nang nagsagawa ng ‘March of the Saints’ ang ilang mga parokya sa Arkidiyosesis ng Maynila gayundin ang mga Diyosesis ng Antipolo, Kalookan, Imus at Malolos na kinatampukan ng mga kabataan na nakabihis-santo.
Sa 10-libong mga santo sa buong mundo dalawa sa mga ito ang Filipino kabilang na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.
Mababatid na una nang sinabi ni Father Daniel Estacio, isang exorcist priest mula sa Diocese of Pasig na ang pagsusuot ng mga nakakatakot na damit ay maaari makaengganyo ng mga masasamang espiritu.