506 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na pagnilayan ang naging buhay ni Saint Titus Brandsma tungo sa pagiging banal at pagpapalaganap ng katotohanan.
Ito ang pagninilay ni Cardinal Advincula sa ginanap na thanksgiving mass para sa Canonization ni Saint Titus Brandsma sa Immaculate Conception Cathedral o Cubao Cathedral.
Ayon sa kardinal, si St. Titus ay buong puso at tapang na ipinaglaban ang kalayaan ng Catholic Press laban sa propaganda ng National Socialist Party o mga Nazi noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig dahilan upang paslangin noong July 26, 1942.
“St. Titus held that the media should be used only to promote the truth who is Jesus…The press is the power of the word against the violence of arms. It is the power of our fight for the truth,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ayon kay Cardinal Advincula, ang buhay ni St. Titus ay malaki ang pagkakatulad sa kasalukuyang panahon lalo’t laganap na ang fake news hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Iginiit ng kardinal na si St. Titus ay hinihikayat ang bawat isa na gamitin ang social media sa pagpapahayag at pagtatanggol sa katotohanan.
“If there are forces that use social media to deceive and spread lies, let us combat them by flooding it with the truth of God’s word. Saint Titus teaches us that when the truth is at stake, remaining apathetic and silent is a sin,” ayon sa kardinal.
Samantala, kasama rin ni Cardinal Advincula sa banal na pagdiriwang si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown at ang mga pari at relihiyoso mula sa iba’t ibang kongregasyon at diyosesis.
Dumalo rin sa thanksgiving mass ang mga kinatawan mula sa Embassy of the Kingdom of the Netherlands na sina Chargé d’affaires Monique van Daalen at councilor and deputy head of mission Pieter Terpstra.
Si St. Titus Brandsma na isang Carmelong pari ay kabilang sa sampung itinalagang santo ni Pope Francis sa St. Peter’s Square sa Vatican noong May 15, 2022.
Tinagurian naman si St. Titus bilang ‘Defender of Truth’ at ‘Martyr of Press Freedom’ at dito rin nakapangalan ang Carmelites Province of Saint Titus Brandsma of the Philippines.