411 total views
Desidido ang Simbahang Katolika na ipagpatuloy ang pagtataguyod sa pangangalaga at pagpapanatili sa inang kalikasan.
Ito ang sinabi ni Rodne Galicha, Executive Director ng Living Laudato Si’ Philippines kaugnay sa ginanap na plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na tinalakay ang ensiklikal na Laudato Si’ ni Pope Francis upang tugunan ang lumalalang suliranin sa kalikasan.
Ayon kay Galicha, patuloy na sinusunod ng LLS-Philippines ang mga alituntunin ng Simbahan hinggil sa pangangalaga sa kalikasan tulad ng ecological conversion.
“The Philippine Church is determined, committed and always ready to take action, and actually has taken bold actions, to defend life – the onus of our care for our Common Home,” pahayag ni Galicha.
Panawagan naman ng Opisyal sa bawat mananampalataya mula sa mga parokya at basic ecclesial communities na patuloy na isabuhay ang mga turo ng Laudato Si’ at sama-samang ipalaganap ang mga pamamaraan na makakatulong para sa kapaligiran.
Gayundin ang pakikipag-diyalogo upang matagumpay na maisakatuparan ang magandang layunin ng Simbahan sa kalikasan alang-alang sa kapakanan at kapakinabangan ng susunod na henerasyon.
“We enjoin all our sisters and brothers, starting from our parishes and basic ecclesial communities to walk together in this journey, in synergy and ecological synodality,” ayon kay Galicha.
Kaugnay nito, naglabas ng pastoral statement ang CBCP na pinamagatang “A Call for Unity and Action amid a Climate Emergency and Planetary Crisis”.
Ito’y upang bigyang kamalayan ang mamamayan sa labis na epekto ng pagkasira ng kapaligiran at mga hakbang na nararapat gawin upang mapanatiling maayos ang kaloob ng Panginoon para ating nag-iisang tahanan.