255 total views
Labis-labis ang pasasalamat ni Father Reginald Malicdem – Rector ng Minor Basilica of the Immaculate Concepcion, Manila Cathedral sa mainit na pagtanggap ng mga mananampalataya kay St. John Paul II sa pamamagitan ng kanyang first class blood relic.
Ayon kay Father Malicdem hindi niya akalaing matutupad ang pangako ni St. John Paul II na babalik ito sa Pilipinas, at sa pagkakataong ito ay sa pamamagitan ng kanyang blood relic.
“23 years ago nung huling dumating si Pope John Paul II noong 1995, bago sya umalis sa airport sabi niya, The Pope feels so well in the Philippines that he longs to come back sabi nya, but I don’t know how. 23 years after, he returned in the form of his blood,” pahayag ni Father Malicdem sa Radyo Veritas.
Dahil dito, hinihimok ng Pari ang mga mananampalataya na patuloy na pagnilayan at isabuhay ang mga aral na ibinahagi ng Santo Papa sa mga Filipino.
Ayon kay Father Malicdem, tunay na maipakikita ng mga mananampalataya ang kanilang pagmamahal kay St. John Paul II kung isasabuhay ng bawat isa ang kanyang mensahe na pagiging mapagmahal sa Panginoon at sa kapwa lalo’t higit sa mga mahihirap at mga dukha.
“Sana yung mensahe nya 23 years ago ay maging mensahe pa rin at paanyaya para sa ating lahat ngayon. Mahalin ang Diyos, tibayan ang pananampalataya sa Diyos, magmahalan ang bawat isa lalong-lalo na yung mga mahihirap yung mga dukha at ipagtanggol din yung dignidad ng buhay simula sa sinapupunan hanggang sa natural na kamatayan. Sana palaging umalingawngaw sa atin yung mensahe ni Pope John Paul II.” Dagdag pa ni Father Malicdem.
Nangako naman si Father Malicdem sa mga mananampalataya na muling magkakaroon ng public veneration ang Vial of Blood ni St. John Paul II at agad itong ipagbibigay alam sa publiko upang mabigyang pagkakataon ang lahat ng nagnanais na mag-alay ng panalangin.
Ang relic na ito ni St. John Paul II ang kauna-unahang blood relic sa Pilipinas.
Isa lamang ito sa tatlong relic ng mga Santo Papa na hiniling ng pamunuan ng Manila Cathedral sa Vatican na maging bahagi sa Simbahan para sa ika-60 anibersaryo ng muling pagkakatayo nito matapos ang digmaan.