372 total views
Naniniwala ang arsobispo ng Cebu na ang bawat isa ay disipulo ng Panginoon.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Archbishop Jose Palma sa Banal na Misa sa proyektong Simbayanan bilang bahagi ng pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng bansa.
Ipinaliwanag ng arsobispo na bilang tagasunod at sumasampalataya sa Panginoong Hesukristo ay nararapat na sundin at tularan ang mga halimbawang ipinakikita sa Banal na Kasulatan.
“We are believers, yes. But more than just believers, we are disciples. Which means, believing in Jesus, we have to follow the way of Jesus,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Ito rin ang patuloy na panawagan ng simbahan sa mamamayan lalo ngayong ipinagdiwang ng bansa ang ikalimang sentenaryo ng krisityanismo kung saan hamon sa bawat isa na ipalaganap ang diwa ng pagmimisyon sa lipunan.
Nitong Abril pinangunahan ng arkidiyosesis ang isa sa tampok ng gawain ng 500YoC ang pagsariwa sa sakramento ng binyag.
Ito ang pagsasadula at paggunita sa unang binyag ng Pilipinas na nangyari noong Abril 14, 1521 kung saan unang inihasik ng mga dayuhang misyonero ang binhi ng kristiyanismo.
Umaasa si Archbishop Palma na hindi lamang sa salita ang pagdiriwang ng limandaang taon ng pananampalata kundi higit na isabuhay sa paglingap sa kapwa lalo ang higit nangangailangan sa lipunan.
“For all of us disciples of Jesus, we pray, that as we celebrate 500 YoC, any form of authority should always be seen in the context of service,” dagdag pa ng arsobispo.
Ginanap ang Simbayanan mass sa Cebu Metropolitan Cathedral sa pangunguna ni Archbishop Palma kasama si Auxiliary Bishop Emeritus Antonio Ranola at iba pang pari ng arkidiyosesis.
Ito ay napakinggan sa Radio Veritas at sa mahigit 50 CMN station nationwide at napapanuod sa social media pages ng mga diyosesis, arkidiyosesis, prelatura at apostolic vicariates sa buong bansa.
Ang Simbayanan project ay inisyatibo ng media arm ng Archdiocese of Manila katuwang ang social communications ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at Catholic Media Network nationwide.