514 total views
Hinikayat ng opisyal ng simbahan ang mamamayan na isabuhay at palaganapin ang plant-based diet.
Kasabay ito ng muling pagsusulong sa “No Meat Friday” campaign na layong hikayatin ang bawat isa na iwasan ang pagkain ng karne o pagkaing may mukha, at sa halip ay isulong ang pagkain ng prutas at gulay.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radio Veritas at executive director ng Caritas Manila, ang plant-based diet ang pinakamabuting paraan ng pagkain sapagkat hindi lamang ito nakatutulong sa kalikasan kun’di pinapabuti rin nito ang kalusugan ng katawan.
“Ito pong plant-based diet ang pinakamalusog na pagkain na para sa tao. Sa totoo lang, nasa Genesis 1:29 po ‘yan – I give you green plants for food. Talagang sa simula pa lang, ang ibinigay sa ating pagkain ng Diyos na siyang lumikha sa atin at alam niya kung anong makakabuti sa ating katawan, isipan, at pagkatao ay ang pagkaing walang mukha.” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Naunang sinabi ni Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc na kapansin-pansin ngayon ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng malalang karamdaman sanhi ng labis na pagkonsumo ng mga tao sa karne ng hayop.
Batay sa mga pag-aaral, ang pagkain ng karne ay maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng cancer, sakit sa puso, alzheimer’s disease, at diabetes.
Kaya naman panawagan ni Fr. Pascual sa lahat na simulan nang makibahagi sa pagsusulong ng plant-based diet upang maging malusog ang pangangatawan at mapangalagaan din ang kalikasan.
“Subukan po natin. Kapag kumain tayo ng mga pagkaing walang mukha or plants, lalo tayong lalakas, lalo tayong gagaling at hahaba ang ating buhay na paglilingkod sa Diyos at kapwa.” ayon sa pari.
Magugunitang pinuri ni Fr. Pascual ang hamon ng Cambridge University kay Pope Francis upang hilingin sa mga katolikong kristiyano ang pag-iwas sa pagkain ng karne upang mabawasan ang global carbon emissions.
Patuloy na isinusulong ng Radio Veritas ang Kilusang Plant-based diet at No Meat Friday Campaign upang ipalaganap ang pangangalaga sa kalusugan ng tao, at kalikasan mula sa epekto ng climate change.