10,815 total views
Tiniyak ni Baguio Bishop Rafael Cruz ang pagpapaigting sa pakikipag-ugnayan at pakikilakbay sa mga nasasakupan ng diyosesis.
Ito ang mensahe ng obispo makaraang pormal na mailuklok bilang ikatlong obispo ng Diocese of Baguio nitong September 17.
Binigyang diin ni Bishop Cruz ang pakikiisa sa mga pari sa pagpapastol sa mahigit kalahating milyong katoliko sa Baguio City at lalawigan ng Benguet.
“My brother priests, I will accompany you in your spiritual journey, in your psychological wellness and in your physical wellbeing so that we can efficiently minister to our parishioners who are the reason for our ministry,” pahayag ni Bishop Cruz.
Paalala nito sa mga kapwa pari ng diyosesis na patuloy magbuklod at paigtingin ang kapatiran upang maging ganap ang pagpapastol sa kristiyanong pamayanan.
Tiwala si Bishop Cruz na laging isapuso at isaisip ng mga pari ang gawaing kalugod-lugod sa Diyos at pagpapanatili ng ‘sense of humor’ na tanda ng pagtanggap sa mga kahinaang tinataglay bilang tao at maging daan ng pagpapakumbaba.
Hinimok din ni Bishop Cruz ang mga layko ng diyosesis na isabuhay ang diwa ng simbahang sinodal sa pamamagitan ng ‘communion, participation, at mission’ bilang kabahagi sa iisang katawan ni Kristo.
“Dito sa diocese of baguio ipingangako namin, ang mga pari dito na walang exclusivity, walang echapwera, welcome ang bawat tao na ang hangarin ay tumulong sa pagpapalaganap kay Kristo,” ani Bishop Cruz.
Batid din obispo na malaking hamon ang kinakaharap ng simbahan sa usapin ng ebanghelisasyon dahil sa iba’t ibang sanhi na nakakaaapekto sa kamalayan ng tao tulad ng pag-usbong ng teknolohiya.
Dahil dito apela ni Bishop Cruz sa mga kabataan na tularan ang halimbawa ni Blessed Carlo Acutis na sa kabila ng kanyang kabataan ay ginamit ang internet at teknolohiya upang ipalaganap si Hesus sa buong mundo.
“Kayong mga kabataan kayo ay mga techy, internet is now your word, internet is now your language good for you but please known as the book of Psalms 24 says the earth belongs to the Lord and everything in it, the world and all its people belong to Him. Remind that technology world about that as Blessed Carlo Acutis did,” saad ni Bishop Cruz.
Pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang rito ng installation at canonical possession ni Bishop Cruz sa Baguio Cathedral of Our Lady of the Atonement habang homilist naman sa pagdiriwang si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Saksi rin sa pagluklok sa obispo ang humigit kumulang 30 mga obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa lalo na ang Northern Luzon bishops gayundin ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Benguet at lokal na opisyal ng Baguio City na pinangunahan ni Mayor Benjamin Magalong.
Sa pagkaluklok kay Bishop Cruz sa cathedra ng diyosesis nasa walong diyosesis pa sa bansa ang nanatiling sede vacante kabilang na ang mga diyosesis ng Balanga, Catarman, Daet, Gumaca, Ipil, Pagadian, San Pablo at Tarlac.