333 total views
Hinamon ng opisyal ng liturgical commission ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na maging aktibong kasapi ng lipunan sa paninindigan para sa bayan.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Baguio Bishop Victor Bendico, chairman ng komisyon sa misang ginanap para sa pagtatapos ng National Laity Week sa Our Lady of the Atonement Cathedral sa Baguio City.
Binigyang diin ng obispo ang ‘temporal order’ na tungkulin ng mananampalataya sa lipunan bilang bahagi ng kristiyanong pamayanan.
“The temporal order includes the family, culture, economic interest, the political community; these are your areas of work where your secular character calls you to be prophetic and to develop a spirituality of your own rooted in Christ,” bahagi ng homiliya ni Bishop Bendico.
Partikular na tinukoy ni Bishop Bendico ang kahalagahan ng pakikisangkot ng mamamayan sa usaping pulitika sa bansa na labis nababalot ng katiwalian, kasinungalingan at panlilinlang tuwing halalan.
Batid ng obispo ang malaking papel na gagampanan ng 99 porsyentong mga layko sa bansa upang makamit ang maayos na pamahalaan sa pamamagitan ng pagpili ng mga mabuting lider na maka-Diyos, makatao, makatarungan at nagtataguyod sa kalikasan.
Napapanahon ang hamon sa mga layko lalo’t naghahanda ang bansa sa 2022 National and Local Elections kung saan laganap ang labis na kasinungalingan sa iba’t ibang media platform.
“Help our country by not resorting to lies and cheating during elections in the use of social media, printed media and broadcasting; help our country by standing up of what is true on extrajudicial killings, on the abuses of the environment,” ani Bishop Bendico.
Tinukoy din ng opisyal ang kasakiman at korapsyon sa pamahalaan sa gitna ng pandemya partikular ang usapin ng pagbili ng mga overpriced personal protective equipment.
Hamon ni Bishop Bendico sa 62 milyong rehistradong botante na maging matalino sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa na magsusulong ng tunay na pag-unlad ng bayan.
Tema ng National Laity Week ngayong taon ang ‘Celebrate as One in 2021 – the Gift of Christianity, the Gift of Mission and the Gift of Unity’ hango na rin sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng bansa.
Noong September 2 inilunsad ng Radio Veritas ang ‘One Godly Vote’ campaign na layong palawakin ang voter’s education at tutulong na kilatisin ang bawat kandidato na may kakayahang pamahalaan ang bansa sa susunod na mga taon.