5,801 total views
Hinikayat ni Capiz Archbishop Victor Bendico ang mga mananampalataya na ituring na sagrado ang pag-alaala at paggalang sa mga banal at yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.
Ayon sa arsobispo, hindi na ganap na naisasabuhay ang tunay na kahulugan ng Undas, at ang “Halloween” ay napalitan ng nakakatakot na kahulugan.
Sinabi ni Archbishop Bendico, na ang November 1 o All Saints’ Day at November 2 o All Souls’ Day ay dapat ituring na mga sagradong araw upang alalahanin at parangalan ang mga santo at mga yumaong kaanak.
“November 1 and 2 are solemn days for us Catholics. However, those days are destroyed by worldly distortions through the celebration of Halloween, a term which itself, changed in meaning,” pahayag ni Archbishop Bendico sa panayam ng Radyo Veritas.
Ang salitang “Halloween” ay nagmula sa terminong “All Hallows’ Eve” na tumutukoy sa bisperas o gabi bago ang Araw ng mga Banal.
Paliwanag ni Archbishop Bendico, ang pagdiriwang na ito’y naglalayong ipakita at ipaunawa ang katotohanan ng buhay at kamatayan mula sa pananampalatayang Kristiyano.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang pagsusuot ng mga nakakatakot na imahe na maaaring magdulot ng negatibong epekto sa pagkatao at dignidad, lalo na sa mga bata.
Iginiit ng arsobispo na kapag ang bata ay nakadamit ng nakakatakot, nawawala ang kanilang bagong pagkatao at naaapektuhan ang kanilang Kristiyanong dignidad.
“A dress identifies the person wearing it, his status in life, and dignifies him or her. This is the same in spiritual life. During the putting of the white garment in Baptism, the priest highlights that the child is a new creation and has clothed himself or herself in Christ.
Hinimok ni Archbishop Bendico ang mga magulang na imulat ang mga bata sa katotohanan ng buhay pagkatapos ng kamatayan bilang daan patungo sa walang hanggan, sa halip na ipakita sa kanila ang mga nakakatakot na bagay.
Iminungkahi rin ng arsobispo ang pagtuturo sa mga bata ng kahalagahan ng pagkakawanggawa, tulad ng pagtulong at pananalangin sa mga biktima at nasawi sa mga nagdaang sakuna.
Sa ganitong paraan, aniya, masusubukan ang tunay na diwa ng pag-alala at paggalang sa mga yumao, na nag-uugnay sa kanila sa mas mataas na layunin at kabanalan.
“Let our child understand that if he or she does this act of charity, he or she is doing it for Christ,” dagdag ni Archbishop Bendico.