1,448 total views
Ipinapaalala ng Santo Papa Francisco na ang bawat binyagan ay tumanggap sa misyong maging tagapagpahayag ng mabuting balita sa sanlibutan.
Ito ang pagninilay ng santo papa sa Angelus sa Vatican kung saan nakatuon ang paksa sa mga gawain ng propeta.
Paliwanag ni Pope Francis na sa pakikiisa sa misyon ni Hesus bilang propeta ay nararapat na ipahahayag sa lahat ng dako ang kadakilaan ng Panginoon at ang mga kaakibat ng gawain sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga turo at halimbawa ni Hesus.
“The Lord in the Gospel also asks us to welcome the prophets; therefore it is important to welcome each other as such, as bearers of a message of God, each according to his state and his vocation, and to do so where we live, that is, in the family, in the parish, in the religious communities, in other areas of the Church and of society.” bahagi ng pahayag ni Pope Francis.
Hinimok ng punong pastol ang mananampalataya na isabuhay si Hesus sa mga pamayanan at maging pag-asa sa kapwa.
Binigyang diin nitong kaakibat ng pagiging propeta ang kahandaang makinig tungo sa mabuting pakikipagdayalogo na makapaghahatid ng pagbubuklod at kapayapaan sa buong mundo.
Sinabi ni Pope Francis na kung naisabuhay ito ng bawat isa ay naiwasan ang mga hindi pagkakasundo na humantong sa digmaan at karahasan na labis nakakaapekto sa lipunan.
Una nang umapela ang santo papa sa international communities at world leaders na mamagitan sa mga lugar na ma digmaan at isulong ang dayalogo sa pagitan ng magkabilang panig upang mahinto ang karahasan.
Kabilang na rito ang nagpapatuloy na sigalot sa Russia at Ukraine kung saan nasa 300-libo na ang nasugatan at nasawi habang milyong katao ang nagsilikas para sa kaligtasan.
Kamakailan ay ipinadala ni Pope Francis si Cardinal Matteo Zuppi sa Ukraine at Russia upang makipagpulong sa mga lider at tinalakay ang mga hakbang tungo sa kaayusan ng dalawang bansa.