519 total views
Naniniwala ang opisyal ng Radio Veritas na muling mapagtagumpayan ng mga Filipino ang hamon ng kasalukuyang panahon kung may pagkakaisa ang bawat mamamayan.
Ayon kay Fr. Roy Bellen, vice President for Operations ng himpilan, nawa’y isantabi ang pagkakaiba ng pananaw lalo na sa usaping pampulitika kundi mangibabaw ang pagbubuklod buklod tulad noong EDSA People Power Revolution.
“Sa paggunita natin sa EDSA People Power, nawa’y ating muling maramdaman ang pagsasama ng mga Pilipino at mga taong may pananalig sa Diyos na sa kabila ng mga tila hindi malalampasang pagsubok, tayo ay magtatagumpay dahil sa ating pagsasamasama, pagtutulungan at pagtitiwala sa Diyos,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radio Veritas.
Binigyang diin naman ni Sr. Clemencia Mallete ng Daugters of St. Paul na mahalaga ang panalangin upang makamtan ang kapayapaan ng lipunan.
Umaasa ang madre na patuloy maisabuhay ang diwa ng mapayapang rebolusyon at higit mapalalim ang pananampalataya sa Panginoon.
“Sana magkaroon ng katuparan ang ipinaglalaban ng EDSA 35 years ago at hindi masayang ang effort ng mga tao; patuloy tayong magdasal sa Panginoon na magkaroon pa ng mas lalong pananampalataya ang mga tao,” ani Sr. Mallete.
Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang wreath laying at flag ceremony sa EDSA People Power Monument kasama ang mga opisyal ng EDSA People Power Commission.
Pinangunahan ni Fr. Bellen ang pambungad na panalangin sa pagdiriwang ng ika-35 anibersaryo ng tinaguriang ‘bloodless revolution’.
Binigyang diin ni Fr. Bellen na nawa’y ang karanasan ng rebolusyon sa EDSA ay magpapaalala sa bawat isa na iisa lamang ang hangarin para sa bansa.
“Sana ang diwa ng EDSA ang magpaalala sa atin na nasa iisang bangka tayo, nasa iisang bayan, at lahat naghahangad na marating ang matiwasay at maayos na buhay na hangad din para sa atin ng Diyos,” giit ni Fr. Bellen.
Sa kasaysayan, malaki ang ambag ng Radio Veritas sa matagumpay na EDSA People Power Revolution makaraang manawagan sa publiko si dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na magtungo sa EDSA upang wakasan ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.