215 total views
Mga Kapanalig, muling nanawagan noong isang linggo sina Bishop Socrates Mesiona ng Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa at Bishop Broderick Pabillo ng Apostolic Vicariate ng Taytay na protektahan ang kalikasan ng Palawan. Kasalakuyang humaharap sa banta ng pagkasira ng kalikasan ang Palawan dahil sa minahang planong simulan doon, partikular sa bayan ng Brooke’s Point.
Kilala ang Palawan bilang “last ecological frontier” ng bansa dahil sa nanatili nitong masaganang likas-yaman. Ayon sa International Union for Conservation of Nature, nasa Palawan ang higit isandaang threatened species sa bansa. Sa bilang na ito, 67 ay endemic o matatagpuan lamang sa Pilipinas at 42 naman ay matatagpuan lamang sa Palawan. May mahigit tatlumpung species ng mangrove na bumabalot sa 44,500 na ektarya ng mangrove forest sa Palawan, ang pinakamalawak sa ating bansa. Nitong Enero lamang, isang bagong species ng puno ang nadiskubre sa Palawan. Itinalaga ito bilang “critically endangered” dahil kakaunti lamang ang mga ito at sa Palawan lamang matatagpuan.
Bagamat alam ng lahat ang masaganang likas-yaman sa Palawan, patuloy ang banta sa pagkasira ang kalikasan doon dahil sa minahang nais simulan ng Ipilan Nickel Corporation (o INC) sa bayan ng Brooke’s Point. Dalawang taon na ang nakalipas nang umpisahan ng INC ang pagputol sa mga puno sa Brooke’s Point upang bigyang daan ang kanilang operasyon. Ayon sa isang irrigators’ association doon, lubha nang apektado ang kanilang mga pananim, lalo na ang mga palayan, dahil sa graba at iba pang gawain ng INC kahit na hindi pa man nag-uumpisa ang mismong pagmimina. Labis na ikinababahala ng mga residente ang pagkasira ng kanilang kabuhayan at pagbahang maaaring idulot ng magiging minahan. Dagdag pa nila, ngayon pa lamang, naging mas maputik na ang tubig na bumababa mula sa kabundukan papunta sa mga bahay at pananim.
Bilang tugon, muling nanawagan noong isang linggo ang mga obispo at kaparian sa probinsya na itigil ang pagmimina sa isla. Hiling nila sa pamahalaang pigilan ang pagpapalawak ng operasyon ng minahan at gumawa ng batas laban sa pagbubukás ng mga bagong minahan. Sa halip na pagmimina, mas mainam daw na tutukan ng pamahalaan ang pagtataguyod sa agrikultura at turismo ng Palawan sapagkat higit na magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa mga komunidad doon. Nanawagan ang lokal na Simbahan ng Palawan na maging daan ang lahat ng sektor sa pagkakaisa upang maisakatuparan ang iisang layuning paunlarin ang buhay ng mga taga-Palawan at protektahan ang likas-yaman nito.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang tungkulin ng bawat isang protektahan ang kalikasan. Responsabilidad ng bawat isa sa ating siguruhing napapangalagaan ang kalikasan dahil ginawa ito ng Diyos para sa lahat at para sa pagkamit ng kabutihang panlahat o common good. Taliwas sa magandang plano ng Diyos ang pananamantala ng iilang interes o grupo sa mga biyaya ng kalikasan. Tandaan din nating ang pakikinabang sa kalikasan ay hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon ngunit para sa mga susunod pa.6 Malaking kawalan ng katarungan ang pagkakait sa susunod na henerasyon ng pagkakataong makita ang kagandahan ng kalikasan.
Kaya naman, bagamat malayo tayo sa Palawan, kailangan nating alamin at unawain ang mga banta sa kalikasan ng Palawan. Samahan natin ang mga kababayan natin doon sa panawagang protekatahan ito. Huwag nating hayaang maubos at hindi na kailanman makita ng susunod na henerasyon ang mga threatened species na sa Palawan lamang makikita. Huwag nating hayaang malubog sa kahirapan ang mga kababayan nating maaapektuhan ng minahan.
Mga Kapanalig, tayo ay “inilagay sa halamanan ng Eden, upang alagaan at ingatan ito”, wika nga sa Genesis 2:15. Malaking pagtalikod sa tungkuling ito ang mabigong isalba ang “last ecological frontier” ng Pilipinas.
Sumainyo ang katotohanan.