247 total views
Hiniling ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa mananampalataya at deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno na alalahanin sa kanilang mga sakripisyo at mga hamong kinakaharap ng mundo.
Tinukoy ng Obispo ang mga pangyayari sa ibang bansa na nakapupukaw ng damdamin at nagdulot ng pag-aalala sa buong mundo tulad ng bushfire na kasalukuyang nagaganap sa Australia.
“Sa mga mahal naming Filipino lalo na ang mga devotees ng Poong Nazareno, sana maisali ninyo sa inyong mga sakripisyo bukod sa mga personal na kahilingan ang mga pangyayari sa ating mundo,” pahayag ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Dalangin ni Bishop Alminaza ang pagbuhos ng malakas na ulan sa Australia upang mapahinto ang apoy na tumutupok sa halos 18 million acres na kalupaan na kinabibilangan ng kagubatan, bushland, mga parke at maging mga tahanan.
Hiling din ni Bishop Alminaza na magkaisa ang mamamayan sa pananalangin sa Diyos na mapigilan ang karahasan sa mga bansa sa Gitnang Silangan bunsod ng bangayan ng Amerika at Iran.
Nitong Miyerkules nagpakawala ng labindalawang missile ang Iran at pinasabog ang Al-Asad Airbase sa Iraq na pinaghimpilan ng mga sundalong Amerikano.
“Sana magkaroon din ng kapayapaan at hindi mangyayari ang kinatatakutang digmaan sa Middle East o sa kahit saang bansa,” ani ng Obispo.
Binigyang diin ni Bishop Alminaza na makapangyarihan ang sama-samang panalangin upang makamtan ang kapayapaan at pagkakaisa sa lipunan lalo na’t mag-alay ng sakripisyo ang mahigit sampung milyong deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa taunang Traslacion.
Inihalimbawa ng Obispo ang iba’t-ibang kaganapan sa sanlibutan partikular ang pag-usbong ng makabagong mundo na higit na pinaiiral ng tao ang materyal na mga bagay.
“Marami tayong gustong i-embrace, ito yung sinisimbolo ng krus na pinapasan ng Poong Nazareno at naging dahilan ng kanyang pagkadapa,” diin ni Bishop Alminaza.