215 total views
Iparating ang aral ng diwa ng EDSA People Power Revolution sa mga kabataan ng susunod na henerasyon.
Ayon kay Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, hindi na mahalaga kung saan ipagdiwang ang paggunita ng ika – 31 anibersaryo ng EDSA People Power 1.
Binigyan diin ng Obispo na mahalagang maiparating ang “memoir bit” at mga aral ng EDSA 1 sa mamamayan partikular na sa mga kabataan o millennial na isinasantabi na lamang ang tunay na kahulugan.
Ngayong taon, inilipat sa Camp Crame ang pagdiriwang ng EDSA 1 mula sa tradisyunal at kinagawiang pagsasagawa nito sa EDSA People Power monument.
“Hindi importante sa akin yung celebrations, sa akin ang importante ‘memoir bit’ at yung lessons na puwede natin sanang iparating, i– trickledown yung leksyon at yung aral na ating makukuha kung bakit tayo nagkaroon ng EDSA revolution. Pero ang celebration hindi importante sa akin personally.”pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Bishop Bagaforo na isama sa curriculum ng mga estudyante ang tunay na nangyari sa EDSA People Power na sumasalamin sa paninindigan ng mga Filipino sa katarungan at demokrasya.
“Ang aking panawagan sana ay whether it is celebrated ngayong February or not ang importante ay masama iyan sa ating mga curriculum para sa mga kabataan upang malaman nila na minsan ang taumbayan ay tumayo at pinanindigan ang katarungan at demokrasya.” giit ni Bishop Bagaforo sa Veritas Patrol.
Magugunitang malaki ang naging papel ng Radyo Veritas na siyang naging tinig sa pagsasakatuparan ng People Power Revolution sa naging panawagan ni noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Nauna na ring ikinalungkot ni dating CBCP – President at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang pagggunita ng EDSA na nahaluan na ng usaping pulitikal na lumilikha ng pagkakahati – hati ng taumbayan.
Read: http://www.veritas846.ph/huwag-haluan-ng-pulitika-ang-pagdiriwang-ng-edsa-people-power-1/