444 total views
Nilinaw ni Fr. Jason Laguerta, Director ng Office for the Promotion of New Evangelization na may malalim na pananampalataya sa Panginoon ang mga kabataan.
“Hindi naman sila walang pananampalataya or spirituality. Ang kabataan malalim ang kanilang paghahanap sa Diyos. Ang tanong lang ay nauunawaan ba ‘yon, naiintindihan ba yung kanilang paghahanap, natutulungan ba natin sila ayon sa kalagayan nila at kahandaan nila?,” ayon kay Fr. Laguerta.
Gayunman, dapat bigyan tuon ng simbahan kung paano sa mga kabataang ito maipararating ang mensahe ng Diyos sa paraan at lengguwaheng kanilang mauunawaan.
“Kumbaga sa pagkain, kung ibinigay kaagad natin yung pagkain ng matatanda at ihain sa mga bata o sanggol baka hindi nila mapakinabangan. So parang ‘yun ang sitwasyon ngayon na marami tayong inihahain pero handa ba yung kakain at kaya na ba niyang tanggapin yung inihahain,” dagdag pa ng pari.
Inihalimbawa rin ni Fr. Laguerta ang ‘short reflection at prayer’ ni Fr. Luciano Felloni sa kanyang FB page na may higit na sa 100 thousand members na isang halimbawa ng pagpapahayag sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at ang Catechism On The Go ni Fr. Jade Licuanan.
Ayon pa kay Fr. Laguerta: “Yun ay pang-abot sa kabataan. Pede tayong nandoon sa social media, hindi lang para maging barkada, kundi magsilbing gabay at liwanag.”
Sa ulat ng infograph.com sa taong 2017, sa buong mundo 31 percent Filipino youth edad 16-24 ang may access sa internet at anim na oras na gumagamit nito, lalo’t 80 porsiyento ang may aktibong social media account.
Binanggit din ni Fr. Laguerta ang pagdalo ng 15 libo na kabataan sa isang ‘concert’ na inorganisa ng Archdiocesan Youth Commission na isang paraan din ng pananabik ng mga kabataan sa Panginoon. “So ibig sabihin naghahanap din sila sa Diyos pero paanong lengwahe at paanong paraan,” ayon pa sa pari.
Ayon kay Pope Francis, lumilikha ng tulay sa pagitan ng tao at ng kanyang komunidad ang isang maayos na pakikipag-usap kung sasamahan ito ng pag-ibig at hindi ng karahasan habang ang social media naman ay isang paraan para sa pagpapahayag ng mabuting balita ng Panginoon.