744 total views
Ginawaran ng pagkilala ng Vatican ang kawani ng Apostolic Nunciature sa Manila.
Tinanggap ni Roger Tura ang Papal Benemerenti Medal Award bilang pagkilala sa 27 taong paglilingkod sa tanggapan ng Vatican sa Pilipinas.
Sa panayam ng Radio Veritas nagpasalamat si Tura sa Panginoon sa kalakasan at pagkakataong makapaglingkod sa simbahan sa pamamagitan ng pagsisilbi sa mga naging kinatawan ng Santo Papa sa bansa
“Napaluha ako sa tuwa dahil na-surprise ako, talagang si Lord ang nagbigay sakin ng lakas at daan para maipagpatuloy ko ang paglilingkod kaya ako po ay nagpapasalamat sa Panginoon at binigyan ako ng lakas para makapaglingkod sa ating simbahan,” bahagi ng pahayag ni Tura sa Radio Veritas.
Sa halos tatlong dekadang paglilingkod sa nunciature ay anim na Apostolic Nuncio ang kanyang pinagsilbihan mula 1995 kay Archbishop Gian Vincenzo Moreni, Archbishop Antonio Franco, Archbishop Fernando Filoni, Archbishop Edward Joseph Adams, Archbishop Giussepi Pinto’ Archbishop Gabriele Giordano Caccia at kasalukuyan si Archbishop Charles Brown.
Isa sa mga natatanging karanasan ni Tura sa Apostolic Nunciature ang pagdalaw ng Kanyang Kabanalan Francisco noong 2015.
Hiling ni Tura sa mamamayan na ipagpatuloy ang paglilingkod sa Panginoon at ipamalas ang kabutihan sa mga pinaglingkurang organisasyon sa simbahan gayundin ang pagpapamalas ng kabutihan sa kapwa.
“Hiling ko sana tulad ko sa mahabang panahon ng serbisyo nawa’y naging mabuting ehemplo ako sa pagsunod sa utos ng ating simbahan at maging inspirasyon na ipagpatuloy din ninyo ang inyong pagserbisyo sa simbahan,” ani Tura.
Bago maglingkod sa Apostolic Nunciature naging kawani si Tura sa Manila Cathedral sa loob ng sampung taon.
Batay sa kasaysayan unang iginawad ang Benemerenti Medal sa mga kasapi ng Papal Army noong ika – 17 siglo sa pangunguna ni Pope Pius VI habang 1832 sa pamamagitan ni Pope Gregory XVI ay pormal itong itinatag at pinalawig ang paggawad sa mga pari at layko bilang pagkilala sa mahabang panahon at natatanging paglilingkod sa simbahan.(norman)