505 total views
Mga Kapanalig, malayo pa ang ating tatahakin upang makamit ang isang mundong walang diskriminasyon. Marami tayong ginagamit na batayan upang husgahan ang ating kapwa, at kabilang dito ang pagkakaiba-iba sa kasarian at sekswal na oryentasyon.
Noong isang linggo, isa na namang insidente ng pamamaril ang naganap sa Amerika, at sinasabing ito ay hate crime o krimeng bunsod ng pagkamuhi sa mga miyembro ng tinatawag na LGBTQ+ (o lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, at iba pa). Isang lalaki ang namaril sa loob ng isang club kung saan nagtipun-tipon ang mga miyembro ng LGBTQ+ sa Colorado. Naganap ang krimen kasabay ng paggunita ng mga dumarayo sa club sa Transgender Day of Remembrance. Taunan ang paggunitang ito upang alalahanin ang mga pinatay dahil sa hindi tanggap ang kanilang kasarian. Okasyon din ito upang manawagang ihinto na ang mga karumal-dumal na krimeng bumibiktima sa mga LGBTQ+. Sa nasabing pamamaril, lima ang patay at 29 ang sugatan. Malaki ang pasasalamat ng mga naroroon sa club sa dalawang customers na naglakas-loob na pigilan ang namaril. Patuloy namang nagdadalamhati ang mga miyembro ng LGBTQ+ sa Colorado, kasama na ang mga nagmamahal sa kanila at mga naniniwalang walang puwang sa isang sibilisadong lipunan ang karahasan.
Dito sa Pilipinas, makikita ang mababang pagtingin maging ng mga nasa pamahalaan sa mga miyembro ng LGBTQ+. Sa isang pagdinig noong nakaraang linggo, naging tampulan ng pangungutya ang mga miyembro ng LGBTQ+ na dumalo noon upang ipaliwanag kung bakit kailangan ang isinusulong nilang Anti-Discrimination Bill. Nariyang pinuná ng chairperson mismo ng House Committee on Human Rights ang isang transgender na para bang sinasabing hindi angkop ang kanyang itsura sa kanyang kasarian.
Bagamat hindi lahat sa ating mga Katoliko ay sang-ayon sa panukalang batas na isinusulong ng mga kasapi ng LGBTQ+, naniniwala tayong mali ang pambabastos sa kanilang pagkatao gamit ang mga birong wala sa lugar. Ang hindi pagkakasundo sa mga usaping pampatakaran ay hindi dapat nauuwi sa pangungutya at sa personalan. Higit sa lahat, dapat nating kundenahin ang karahasan at krimeng ginagawa sa kanila dahil lamang sa kanilang piniling uri ng pamumuhay, pagkakakilanlan, at mga paninindigan sa buhay.
Bagamat masalimuot at kontrobersyal na usapin ang gender sa ating Simbahan, malinaw sa ating mga katuruang ang bawat tao ay nilikha ng Diyos nang may dignidad. Bawat isa sa atin, anuman ang kasarian, pamamaraan ng pananalita o pananamit, ay nilikhang kawangis ng Diyos. Hindi mababago ng kahit sino o ng anumang institusyon ang katotohanang ito. Bawat tao ay mahal at tanggap ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkilala sa katotohanang lahat tayo ay may dignidad, makakamit natin ang kabutihang panlahat at tunay na maitataguyod ang dignidad bawat tao.
Katulad din ng isinagot ni Pope Francis nang tanungin siya kung ano sa kanyang pananaw ang pinakamahalagang mabatid ng mga kasapi ng LGBTQ+ tungkol sa Diyos, tandaan nating walang itinatakwil na mga anak ang Diyos. Hangad Niyang maging malapít, mahabagin, at mapagkalinga sa lahat. Kaya sa halip na maging instrumento ng panghuhusga, tayong mga mananampalataya ay inaanyayahang iparamdam sa ating kapwa ang walang pinipiling pagmamahal ng Diyos—ang Diyos na nagkatawang-tao ngunit namatay sa krus para sa katubusan nating lahat, ang Diyos na nagwika sa Juan 15:17 na mahalin natin ang isa’t isa.
Paano natin ito naipapakita sa ating kapwa, lalo na sa mga miyembro ng LGBTQ+? Humahakbang ba tayo patungo sa isang mundong kinikilala ang dignidad ng lahat ng tao, sa isang mundong walang diskriminasyon?
Mga Kapanalig, huwag na natin sanang hintayin pang lumaganap sa Pilipinas ang mga hate crimes na bumibiktima sa mga miyembro ng LGBTQ+ sa Amerika bago natin makitang ang diskriminasyong batay sa kasarian ay salungat sa pag-ibig na nais ng Diyos na isabuhay natin.