323 total views
Mga Kapanalig, mistulang mga batang nagtutuksuhan ang mga lider ng Estados Unidos at North Korea sa kanilang patutsadahan tungkol sa kani-kanilang puwersang nuklear o nuclear arsenal. Nagsimula ito sa talumpati noong bagong taon ni Kim Jong-un, ang lider ng North Korea, kung saan binantaan nito ang Estados Unidos na kumpleto na ang nuclear arsenal ng kanyang bansa, at nasa mesa lamang niya ang button o pindutan sakaling maghamon ang kanyang kalaban ng giyera. Idinaan naman sa social media ni Donald Trump, ang pangulo ng Estados Unidos, ang kanyang sagot. Aniya, mas malaki at totoong gumagana ang kanyang nuclear button.
Nagiging karaniwan na nga yata ang mapanutya, mababaw, at malabong mga pananallita sa mga matataas na lider. Sa halip na magbigay ng makatwiran, seryoso, at malinaw na tugon sa mga seryosong isyu gaya ng tensyong maaaring humantong sa digmaang nuklear, pinipili ng mga pinunong ito na gumamit ng mga salitang walang maayos na diwa, may halong kabastusan, at walang tono ng paggalang sa kanilang pinatutungkulan.
Buti na lamang at diplomatiko ang naging pahayag ng ating pamahalaan tungkol sa pagkabahala nito sa pag-testing ng mga armas ng North Korea noong Nobyembre. Nanawagan din tayo ng makahulugang pegresolba sa hidwaan sa pagitan ng North Korea at South Korea. Ngunit ano kaya ang masasabi ng pamahalaang Pilipinas sa mga bansang tila ba naghahamon pa sa North Korea gaya ng Estados Unidos? O kaya naman ay sa China at Russia na mayroon ding nuclear weapons?
Mga Kapanalig, malaking banta sa kapayapaan ng buong mundo ang pagmamalaki ng North Korea tungkol sa mga armas-nuklear nito, lalo pa’t nitong nakalipas na taon, sunud-sunod ang pagsasagawa nito ng missile launches, kabilang ang tatlong intercontinental ballistic missiles na maaaring umabot sa malalayong bansa kabilang ang Pilipinas. Maaaring marami sa atin ang nag-iisip na hindi naman madadamay ang Pilipinas kung hindi tayo makikialam. May iba rin sigurong nagsasabing mas maraming problema ang Pilipinas kaysa sa nuclear war sa pagitan ng mga nagkakairingang mga bansa. Para sa iba marahil, hindi dapat seryosohin ang pagpapalitan ng banta ng mga lider ng North Korea at Estados Unidos. Ngunit tandaan sana nating hindi tayo nabubuhay nang hiwalay sa ibang mga bansa, kaya’t mahalagang sinusubaybayan natin ang mga nagbabadyang panganib at mga pangyayaring may malawak na epekto sa buhay ng lahat.
Kaya ang Simbahan, bilang kasapi ng pandaigdigang pamayanan at sa pagganap ng tungkulin nitong itaguyod ang kapayapaan sa mundo, ay nananawagan din ng seryosong pagtugon sa banta ng digmaan. Ngunit higit sa mapayapang pag-uusap ng mga bansa, naninindigan ang Simbahan, sa pamamagitan ni Pope Francis, sa tinatawag na “integral disarmament.” Tumutukoy ito sa hindi na pagkakaroon ng mga bansa ng mga sandata, lalo na ang mga “weapons of mass destruction” gaya ng mga nuclear weapons. Para kay Pope Francis, sinasalamin ng pagkakaroon ng mga bansa ng nuclear weapons ang aniya’y “mentality of fear”, o takot na namamayani sa mga kaisipan ng mga pinuno at mamamayan. Ibig sabihin, may mga bansang naglilinang at nag-iimbak ng mga armas dahil sa paniniwalang sa pamamagitan ng mga ito, malalampasan nila ang kanilang takot at kawalan ng kumpiyansa. Binigyang-diin pa ni Pope Francis ang puntong ito: “Hindi dapat maging bihag ang ugnayan ng mga bansa sa isa’t isa ng puwersang militar, pananakot, at pagyayabang ng dami, laki, at lawak ng pinsalang magagawa ng kanilang mga armas.”
Maaaring mag-taingang-kawali lamang ang mga lider ng North Korea at Estados Unidos sa sinasabi ng mga bansang tulad ng Pilipinas at ng Simbahang Katolika, ngunit huwag tayong mawalan ng pag-asa. Patuloy nating ipagdasal ang ating mga lider sa pamahalaan at Simbahan upang sa pamamagitan nila, makarating tayo sa isang mundong walang nuclear weapons.
Sumainyo ang katotohanan.