217 total views
Mga Kapanalig, sa mismong araw ng Pasko, ang itinuturing nating pinakamasayang araw para sa ating mga pamilya, pinatay ng isang 29 na taóng gulang na ama sa Taguig ang kanyang dalawang anak na isa at tatlong taong gulang. Sumuko ang suspek sa mga pulis matapos ibigti ang kanyang mga anak at nang mabigo siyang magpakamatay din nang mapatid ang lubid na kanyang ginamit. Kuwento niya sa mga pulis, nagawa niya ang karumal-dumal na krimen dahil sa matinding kalungkutan o depression matapos mawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Naging sanhi naman ito ng alitan nila ng kanyang ama at mga kapatid gayundin ng kanyang asawang naiwang bumubuhay sa kanilang pamilya. Ang masaklap pa, nagpakamatay din daw ang kanyang asawa sa bisperas ng Pasko, ngunit tinitingnan din ang anggulong pinatay din siya ng lalaki sa pamamagitan ng pananakal at pinalabas niyang nagbigti ang kanyang misis.
Tunay na nakalulungkot ang balitang ito, ngunit hindi na nakapagtataka dahil na rin sa epekto ng pandemya hindi lamang sa ating lipunan at ekonomiya kundi sa ating mental health. Ayon sa National Center for Mental Health, kung dati ay nasa 80 ang tawag na natatanggap nila sa kanilang hotline mula sa mga nakararanas ng depresyón, lumobo ito sa 400 kada buwan nang isailalim tayo sa lockdown. Sa buong mundo, pinakalantad o high-risk sa depresyón ang mga nasa edad 15 hanggang 29, at mental health-related deaths ang ikawala sa nangungunang dahilan ng kamatayan ng mga nasa age group na ito. At gaya nga ng sinasalamin ng nakalulungkot na pangyayari sa Taguig, maaaring humantong ang depresyón sa marahas na pagresolba sa mga problemang kanilang kinakaharap. Hindi lamang ang kanilang sarili ang kanilang sinasaktan; maging ang kanilang mga mahal sa buhay ay naaapektuhan.
Hindi nakatutulong na sa ating bansa, hindi pinag-uusapan ang mental health o kalusugan ng ating pag-iisip, dahil na rin sa takot ng mga apektado nito na sila ay husgahan at layuan ng mga tao. Mayroon nga tayong Mental Health Act na nagmamandato sa pamahalaang magbigay ng komprehensibong suicide prevention services kabilang ang crisis intervention, ngunit lubhang kakaunti naman ang mga propersyonal na maaaring magbigay nito sa mga taong dumaranas ng depresyón at nag-iisip na wakasan na ang kanilang buhay. Mayroon lamang tayong 500 psychiatrists, at dalawa hanggang tatlong mental health workers sa bawat 100,000 populasyon, malayung-malayo sa 10 sa bawat 100,000 populasyon na iminumungkahi ng World Health Organization (o WHO). Kaya talagang nakababahala ang dumaraming bilang ng mga kababayan nating nalulugmok sa kalungkutan na nagtutulak sa ibang piliing magpatiwakal. Masasabi ngang isa itong natatagong pandemya.
Itinuturing ng Simbahan ang pagpapakamatay bilang pagtalikod ng tao sa kanyang pananagutan sa buhay na ipinagkaloob sa kanya. Ngunit kinikilala rin nating may mabibigat na dahilang nagtutulak sa mga taong tapusin ang kanilang buhay katulad ng matinding kalungkutan. Masalimuot ang kanilang pinagdaraanan, ngunit bilang mga Kristiyanong naniniwala sa isang buháy na Diyos, pananagutan nating samahan ang mga kapatid nating nabibigatan sa kanilang mga pinagdaraanan—kahit sa pamamagitan ng simpleng pakikinig sa kanila.
Lubha ngang napakalaki ng pagsubok na dala ng nagpapatuloy pa ring pandemya sa kalusugan ng ating pag-iisip, at para bang napakahirap magkaroon ng pag-asang bubuti ang ating kalagayan dahil na rin sa mga naririnig nating hindi kaayaayang mga balita. Napakahirap talagang magpakatatag kung mawalan tayo ng trabaho, kung wala na tayong maipakain sa ating pamilya, at kung parang walang nakauunawa sa ating pinagdaraanan. Ngunit mapalakas nawa ng mga Salita ng Diyos ang ating loob upang magpatuloy sa buhay. Gaya ng winika sa 1 Pedro 5:7, “Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”
May pag-asa, mga Kapanalig.