312 total views
Homiliya Para sa Kapistahan ng Pagbabalita sa Mahal na Birhen, Biyernes, Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, Ika-25 ng Marso 2022, Lk 1:26-38
Para bang si Pope Francis ang naririnig ko sa mga salitang binitawan ni propeta Isaias kay Achaz, hari ng Judah, sa ating unang pagbasa. Kailangan natin ng kaunting background para maintindihan ang konteksto. Halos desperado ang propeta na pigilin ang isang madugong giyera. Pilit niyang kinukumbinsi ang haring Achaz na mayroon pang ibang paraan para maresolba ang political crisis na nagdudulot ng tensyon sa pagitan ng Judah at kanyang mga kapit-bansa—ang Aram at ang Israel. Kita nyo na kung bakit sinabi kong parang nauulit ito ngayon sa Russia at Ukraine? At ang gumaganap sa papel ng propeta Isaias ay ang Santo Papa.
Dahil ayaw ng Hari ng Judah na sumali sa isang koalisyon ng dalawang katabi niyang bansa para giyerahin ang Assyria, nagdesisyon na lang siya na kumampi sa mga Assyrians at sa kanila humingi ng tulong militar para labanan ang dalawang bansa. Hindi pa ito alam ng propeta Isaias, siyempre, kaya’t pilit pa rin siyang nakikipag-dialogue sa hari. Pero sarado na pala ang isip ng hari.
Sabi ng propeta, “Humiling ka ng isang palatandaan mula sa Diyos, kahit sing-lalim pa ng dagat o sing-tayog ng langit.” Ibig niyang sabihin, Alamin mo muna kung ang desisyon mo ay naaayon o hindi sa kalooban ng Diyos. Ngunit ang sagot ng hari sa propeta ay, “Huwag ka nang mag-abala. Hindi ko kailangan ang palatandaan. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Parang magalang ang sagot, hindi ba? Pero sa totoo lang iniisnab niya ang propeta. Desidido na ang hari na hindi siya susunod sa payo ng propeta. Sa halip, hihingi na lang siya ng proteksyong militar mula sa hari ng Assyria laban sa pinagsanib na puwersa ng dalawang bansang nagbabalak na lumusob sa kanya. Parang alingawngaw ito ng sinasabi ng Salmo 20, 7 “May mga taong umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma, imbes na umasa sa Panginoong ating Dios.”
Sabi tuloy ng propeta, “Alam mo, hindi lang ang bayan ang pinapagod mo; pinapagod mo rin ang Diyos. Kaya kahit ayaw mo, bibigyan pa rin kita ng isang palatandaan mula sa Panginoon, “Maglilihi ang isang babae at manganganak siya ng isang lalaki at tatawagin siyang Emmanuel, na ang ibig sabihin ay, “Kasama natin ang Diyos.”
Umuulit naman ito sa ating ebanghelyo. Pero imbes na propeta, isang anghel ang nakikipag-usap—ang arkanghel Gabriel. At imbes na hari, isang dalaga ang kanyang kausap. Sa version ni San Mateo, ang annunciation ay hindi kay Maria nakatuon kundi kay San Jose. Doon kinakausap ng anghel si Jose sa panaginip. Ipinaliliwanag nito kay Jose na hindi digrasya kundi grasya ang paglilihi ni Maria, na naaayon ito sa kalooban ng Diyos, na pinangyari ito ng Espiritu Santo at paraan niya ito upang mailigtas ang mundo. At doon mauulit ang ibinigay na palatandaan ng propeta, “Maglilihi ang isang dalaga at manganganak siya ng isang lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.”
Ito rin ang pinag-aanyaya ni Pope Francis sa araw na ito ng Pista ng Pamamalita ng Anghel. Isang panawagan sa buong daigdig sa isang marubdob na panalangin at paghingi ng tawad, upang maitalaga sa kanyang Kalinis-linisang puso ang buong sangkatauhan, lalo na ang Russia at Ukraine.
Bakit ba malakas ang loob ni Pope Francis na gawin ito? Hindi lang dahil ipinakiusap ito ng Catholic Bishops’ Conference ng Ukraine. Higit sa lahat, alam kasi niya na parehong may malakas na debosyon kay Mama Mary ang mga Russians at Ukrainians.
May nakita akong video ng isang tangke na basta na lang iniwan ng isang sundalong Russo sa gitna ng kalsada. Nang pasukin ng mga sundalong Ukrainians ang tangke, nakita nila sa loob ang mga personal na kagamitan ng sundalong Russian umabandona sa tangke. May nakadikit sa salamin na larawan ni Mama Mary. Walang pinagkaiba sa mga jeepney drivers natin sa Pilipinas na naglalagay ng picture ni Mama Mary sa may rear-view mirror ng jeep at mayroon pang nakapulupot na rosaryo dito.
Ito ang isa sa malaking iskandalo tungkol sa giyerang ito para kay Pope Francis. Karamihan sa mga sundalong lumulusob at namomomba sa Ukraine ay mga Kristiyanong Russians. At karamihan sa mga Ukrainians na pinapuputukan nila ay mga Kristiyano rin. Kaya nasabi ni Pope Francis sa panalangin niya—wala nang titindi pa sa sakit na nararanasan ngayon ng Panginoong Hesukristo—dahil parehong mga binyagang Kristiyano, parehong kabahagi ng katawan ni Kristo ang pumapatay at pinapatay.
Naging bisita pa nga ni Pope Francis si Presidente Putin bago nangyari ang giyera. Niregaluhan pa siya ng presidente ng Russia ng isang napakagandang Russian Orthodox Christian icon ng Our Lady of Vladimir. Ipinakita pa niya sa Santo Papa ang kanyang pagiging deboto sa Mahal na Ina nang halikan niya ang larawan sa harapan mismo ni Pope Francis.
Alam ni Pope Francis na deboto ng Birhen si Presidente Putin, at alam din niya na walang ibang pakikinggan na advice ito kundi ang Patriarka ng Russian Orthodox Church na si Patriarch Kirill. At ito ang mas masaklap. Suportado ng Patriarka ang giyera ni Putin laban sa Ukraine. Nabigo si Pope Francis sa pagsisikap niya na ipaliwanag na si Hesus ay hindi kailanman magbabasbas ng giyera dahil hindi kamatayan kundi buhay ang hatid niya. Hindi niya sinabing “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa taong handang pumatay para sa kaibigan.” Ang sinabi niya, na binigkas pa mandin ni Presidente Putin sa isang stadium sa Russia ay, “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa taong HANDANG MAG-ALAY NG BUHAY para sa kaibigan.”
Kaya ang gagawin ni Pope Francis at ng buong simbahang Katolika na Consecration kay Mama Mary ay isang malakas na mensahe sa Russia: Parang awa na ninyo sa iisang Birhen Maria na itinuturing ninyong Ina, itigil na ninyo ang giyerang ito. Magkakapatid kayo! Sinasaktan ninyo ang puso ng iisang babaeng minamahal ninyo at tinuturing bilang ina.
Nitong nakaraang March 16, sa General Audience niya sa Roma, dinasal ni Pope Francis ang sumusunod na panalangin:
Panginoong Hesukristo, Anak ng Diyos, kaawaan mo kaming mga makasalanan.�Ikaw na isinilang sa lilim ng mga bombang bumabagsak sa Kyiv, kaawaan mo kami.
Ikaw na namatay sa kandungan ng isang ina sa isang bunker sa Kharkiv, kaawaan mo kami.
Ikaw ang beinte anyos na sundalong lumalaban sa front lines, kaawaan mo kami.
Ikaw na nakatitig mula sa krus sa sundalong may hawak na armas, kaawaan mo kami.
Patawarin mo kami, Panginoon, kung hindi kami makuntento sa mga pakong pinagpakuan ng iyong mga kamay sa krus.
Patawarin mo kaming mga hindi mapawi ang pagkauhaw sa dugo nga mga katawang tinadtad ng mga bala.
Patawarin mo kami, kapag ang mga kamay na nilikha mo upang kumalinga ay nagiging mga kamao ng kamatayan.�Patawarin mo kami, sa patuloy naming pagpaslang sa aming kapatid.
Patawarin mo kaming mga Cain na dumadampot pa rin ng mga batong maipupukol kay Abel.
Patawarin mo kami kapag patuloy namin ipinagtatanggol ang aming kalupitan sa aming mga gawain, kapag itinuturing naming karapatan ang magmalupit dahil kami’y pinagmalupitan.
Patawad para sa giyera, Panginoon. Patawad para sa aming kahibangan. Panginoong Hesukristo, Anak ng Diyos, nagsusumamo kami. Pigilan mo po ang kamay ni Cain. Liwanagan mo ang aming mga budhi. Huwag nawang masunod ang loob namin, huwag mo kaming iiwan sa aming mga kapalaluan. Pigilan mo kami, Panginoon, pigilan mo po kami. At kapag iyong napagtagumpayang pigilin ang kamay ni Cain, kalingain mo rin siya dahil siya’y kapatid din namin. Panginoon, bigyan mo po ng katapusan ang karahasang ito. Ikaw lang ang makapipigil sa amin. AMEN.