4,041 total views
Ang Mabuting Balita, 25 Pebrero 2024 – Marcos 9: 2-10
“ISANG SAGLIT NA NINGNING”
Noong panahong iyon: Umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Jesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Jesus.
Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Jesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Jesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.
————
Ang “ISANG SAGLIT NA NINGNING” ay tunay ngang isang saglit lamang para sa tatlong disipulo na nakaranas kay Jesus, ng nakaraan, ng kasalukuyan, at ng kinabukasan sa plano ng Diyos. Sa ating buhay espirituwal, maaaring magkaroon tayo ng kahawig na karanasan na makilala si Jesus sa ating nakaraan, sa ating kasalukuyan, at sa kinabukasan na nakalaan sa atin. Ngunit, hindi tayo maaaring manatili sa karanasang ito. Katulad ni Jesus at ng tatlo na bumaba sa bundok upang ipagpatuloy ang nasimulan ni Jesus, kailangan din nating bumaba at ipagpatuloy ang nasimulan ng Diyos sa ating buhay bilang mga Kristiyano.
Lalong nagningning si Jesus ng siya ay nagpatuloy sa pagtuturo, nagpagaling ng mga maysakit, bumuhay ng mga patay, at nagpalayas ng mga demonyo. Siya ang maliwanag na ningning ng ilaw ng Ama. Kapag pinagsusumikapan nating sundan si Jesus, tayo ay lalong magniningning sa wangis ng Diyos. Sana, tayo rin ay maging maliwanag na ningning ng ilaw ni Jesus!
Opo, Ama, nais naming makinig sa iyong Anak palagi!