14,944 total views
Ilulunsad ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) ang programang pamamahagi ng 100 wheelchair sa mga may kapansanan at higit pang nangangailangan.
Ito ang “Handog na Agapay: Isang Wheelchair, Isang Buhay” na programa ng social arm ng Arkidiyosesis ng Lipa bilang bahagi ng pagdiriwang sa kapistahan ni San Lorenzo, diyakono at martir sa ika-sampu ng Agosto. “Ang pagpupugay sa diwa ng kawanggawa at pagmamalasakit ni San Lorenzo ay naglalarawan ng kanyang iniwang aral sa mga mananampalataya,” ayon sa LASAC.
Layunin ng proyekto na makapagbahagi ng mga wheelchair para sa mga may pisikal na kapansanan sa tulong ng mapagkawanggawa at mapagbigay na pamayanan.
Sa halagang ₱3,500 ay maaari nang mag-sponsor ng isang wheelchair sa isang person with disability (PWD) beneficiary, at makapaghatid ng pag-asa at bagong kalayaan.
Batay sa tala ng National Council on Disability Affairs, nasa 0.54-percent o 646,208 sa higit 119-milyong populasyon ng Pilipinas ang may kapansanang pisikal. Sa mga nais magbahagi ng tulong, maaari itong ipadala sa pamamagitan ng GCASH account ni LASAC executive director, Fr. Jayson Siapco sa numerong 0966-572-6244. Para naman sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa mga sumusunod na numero: (043) 757-6182 loc. 108, (043) 404-8057 loc. 108, at 0968-891-5708, o makipag-ugnayan sa official facebook page ng LASAC.