4,250 total views
Pinasalamatan ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual ang mananampalataya sa komunidad ng Chapel of Saint Padre Pio sa Shnagri-La Mall sa patuloy na suporta sa mga proyekto ng simbahan.
Ito ang mensahe ng pari sa pagdiriwang ng kapistahan ni Padre Pio sa misang ginanap nitong September 24 na pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
“Tayo’y nagpapasalamat sa pamayanan ng Church of Shang sa nagdaang misa nobenaryo para sa ating kapistahan lalo’t ang koleksyon sa mga misa rito ay idino-donate sa Caritas Manila YSLEP (Youth Servant Leadership and Education Program) Scholarship program kung saan nasa limang libong kabataan sa buong Pilipinas ang nabibiyayaang makapag-aral,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Kinilala ng pari ang tulong ni Padre Pio sa pagkaloob ng biyaya ng pagpapagaling sa bawat mananampalatayang dumudulog sa dambana ng Shangri-La chapel na tumutugon din sa pangangailangan ng kapwa lalo na ang pagbibigay edukasyon sa mga kabataan.
Sa pagninilay ni Cardinal Advincula hamon nito sa mananampalataya ang pagpapanibago ng puso tungo sa landas ni Hesus sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa kapatirang ninanais ng Panginoon na may pantay na pagtingin sa kapwa.
Binigyang diin ng cardinal na hindi dapat pinaiiral ang inggit at pagtutunggali sa halip ay ipamalas ang dakilang habag, awa at pag-ibig na nakaugat kay Kristo.
“Sa paghahari ng Diyos, kung saan lahat ay magkakapatid, masaya dapat ang lahat para sa nakakamit ng bawat isa,” ani Cardinal Advincula.
Panawagan ng arsobispo na suportahan ang kapwa sa pagkakamit ng tagumpay na ayon sa kalooban ng Panginoon tulad ng mga halimbawa ni Padre Pio.
“My dear brothers and sisters, like our dear San Padre Pio during his lifetime on earth, let us heed the invitation to seek the Lord to make a return to him and to dedicate our lives to his service,” giit ng cardinal.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mananampalatayang dumalo sa banal na misang matunghayan ang relic ni Padre Pio mula sa San Giovanni Rotundo sa Italya na dinala ni Franciscan Capuchin priest Fr. Robert Sandiego.
Si Padre Pio ay inordinahang Franciscan Capuchin noong 1910 kung saan inilaan ang kanyang buhay sa pananalangin at Banal na Eukaristiya hanggang magkaroon ng stigmata o mga sugat ni Hesus.
Pumanaw si Padre Pio noong September 23, 1968 naging beato noong May 2, 1999 at ganap na naging banal sa canonization rite na pinangunahan ni noo’y santo papa St.John Paul II.