371 total views
July 28, 2020-7:15am
Sikapin na ang kabutihan ng kalooban ang mananaig sa panahon ng krisis.
Ito ang panawagan ni Borongan Bishop Crispin Varquez sa kasalukuyang krisis na nararanasan ng bansa dulot ng novel coronavirus.
Panawagan din ng obispo na iwaksi ang pagsasamantala sa halip ay pairalain ang katapatan ng paglilingkod at pagtulong lalu na sa mga nangangailangan.
“Ipalabas natin ang ating pagiging matapat at makatotohanan sa paglilingkod at pagtulong,” ayon sa video message ni Bishop Varquez sa facebook post ng ESTENews.
Ikinalulungkot din ng obispo na bagama’t malala na ang problema ng bansa dulot ng patuloy na paglawak ng mga nahahawaan ng sakit ay may ilan pa rin mga tao ang nagsasamantala sa pagkakataon.
Babala ng obispo, ang lahat ng ating ginagawa-mabuti man o masama ay hindi nakaliligtas sa mata ng Panginoon.
“Money will just come and go, but when your good name is lost it would be very hard to earn the trust of people again,” dagdag pa ng obispo.
Kaya’t panawagan ni Bishop Varquez na nawa ay hindi ipagpalit ng tao ang kabutihan sa kayamanan at kapangyarihan.
Naniniwala ang obispo na mapagtatagumpayan ang krisis ng pandemya kung ang bawat isa ay mananalangin at magsasakripisyo hindi lamang para sa sarili kundi para sa kapwa.
“Malalampasan natin ang krisis na ito, kung tayong lahat ay marunong manalangin at magsakripisyo. ‘Service over self in times of Covid-19 pandemic,” ayon pa kay Bishop Varquez.
Sa pinakahuling ulat, aabot na sa 90-libo ang naitatalang kaso ng Covid-19 sa bansa.