617 total views
Kinatigan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang panawagan ni Pope Francis na isantabi ang paggamit ng gadget at social media lalo ngayong kuwaresma.
Ayon kay Boac Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. chairman ng CBCP – Social Communications ministry, mahalaga ang pagsasantabi sa paggamit ng gadget sapagkat ang tunay na diwa ng kuwaresma ay pagsasakripisyo at pagtitika.
Batid ng obispo na sa kasalukuyan ay mahalaga ang gadget at social media lalo sa kabataan subalit iginiit na makakamtan ang tunay na pagninilay kung nakatuon ang sarili sa Panginoon.
“Paalala sa ating mga kabataan na sa pagsasakripisyo kalimitang nakikita ang strength na kaya palang isantabi ang isang bagay for reasons at ngayong lent mahalaga ito para we could spend time to do more valuable things katulad ng prayer na malaking bagay para sa spiritual growth,” pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Sang-ayon din ang opisyal sa pahayag ni Pope Francis na nagdudulot ng pagkakahati-hati ang teknolohiya lalo na sa sa lipunang laganap ang ‘infodemic’ o labis na mga impormasyong kumakamat sa social media na kadalasan ay hindi makatotohanan.
Sinabi ni Bishop Maralit na nagdudulot ng kalituhan ng isip ang mga nababasa at napapanuod sa online kaya’t kinakailangang malawak ang pang-unawa sa mga nakikita.
“Malaki ang benefits sa gadgets and technology natin ngayon but with that reality of disinformation o infodemic specifically sa mga platforms ng social media it causing alot of disturbance sa human conciousness; talagang mag-cause ng maraming divisions kung hindi tayo very constructive and critical about what we read and what we watch,” ani Bishop Maralit.
Apela ng obispo sa mga magulang at nakatatanda na gabayan ang kabataan lalo na sa paggamit ng gadgets at social media upang hindi mabiktima ng fake news.
Hamon din sa bawat isa na sa pagsasantabi ng gadgets ay mas palalimin ang pakikipag-ugnayan sa pamilya at sa kapwa.
“Magandang hamon na itabi ang gadgets for us to be able to reflect, making it more real ang buhay natin na hindi naka-base sa gadget which I think will strengthen our young people lalo na sa relationships within the family and the society,” giit ni Bishop Maralit.
Sa datos ng We are Social at Hootsuite noong 2020 nasa 73-milyong Filipino ang aktibo sa social media kung saan 98-porsyento ay gumagamit ng smartphones at naglalaan ng halos apat na oras sa bawat araw sa internet.