153 total views
Isantabi ang ‘kulay ng pulitika’ at magkaisa ang sambayanan para ipagtanggol ang katotohanan at demokrasya.
Ito ang panawagan ni Rev. Fr. Edu Gariguez, Executive Secretary Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA) bilang tugon sa ‘liham pastoral’ ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle hinggil sa ‘Crisis of Truth’ na kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan.
“Magnilay at magdasal, sa palagay ko magandang magsimula doon at para lang sabihin na hindi natutulog ang simbahan, nagmamatiyag at tayo ay hindi natutulog. Nakamatiyag, nagninilay at binabasa kung ano yung sign of the signs at pagdating ng kinakailangng panahon at siguro hindi pa ngayon nakahanda tayong kumilos para ipagtanggol ang kapakanan ng bayan,” ayon kay Fr. Gariguez.
Umaasa si Fr. Gariguez na magbunga ang pagdarasal at pagninilay sa higit pang pagkamulat ng simbahan at mamamayan para ipagtanggol ang kapananan ng bayan.
“Sa ngayon wala na yung kulay kulay na ‘yan dapat ay ang mahalaga ay manindigan sa kawalang katarungang nangyayari, regardless kung ano yung kulay mo huwag na yung mag babranding-branding dito ka o ganyan, basta may puso kang Pilipino nagmamalasakit sa mamayanan yun yung batayan,” paliwanag ni Fr. Gariguez.
Sa pastoral statement, bukod sa pagdarasal at pagpapatunog ng kampana hinikayat ni Cardinal Tagle sa mga pari, relihiyoso at layko na bumuo ng study group para talakayin ang mga usapin ng bansa partikular na ang usapin ng Quo Warranto, Charter Change, at Federalism.
Sa ganitong paraan ayon kay Cardinal Tagle ay magkakaroon ng sapat na pang-unawa ang publiko sa mga isyu ng bayan na makakatulong sa kanilang pag-papasya at pagsuri sa paghahanap ng katotohanan.
Giit ni Cardinal Tagle, nagkakaroon ng kalituhan ang publiko sa katotohanan dahil na rin sa magkakaibang interpretasyon ng mga eksperto sa batas partikular sa usapin ng ‘Quo Warranto’ na siyang ginamit na proseso sa pagpapatalsik kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nagdulot din ng pagkakahati-hati ng sambayanan.