374 total views
Hindi lamang ang materyal na pangangailangan ang pinupunuan ng Diyos kundi maging ang mas malalalim at mahahalagang ninanais ng puso ng bawat isa.
Ito ang binigyang diin ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop-elect Broderick Pabillo sa biyayang hatid ng Panginoon para sa lahat.
Ayon sa Obispo na siya ring outgoing chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, ito ang dapat na maging batayan ng bawat isa sa pagpili ng mga karapat-dapat na mga opisyal ng bayan sa 2022 national elections.
“Hindi lang binubusog ng Diyos ang ating tiyan. God also satisfies the deeper longings of our heart. Jesus has come in order to satisfy our deeper human longings.”pagninilay ni Bishop Pabillo sa kanyang misa sa Veritas Chapel.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na hindi dapat ibatay ng mga botante sa pansariling kabusugan o kabutihan ang pagpili ng mga kandidato sa halip ay para sa pangkabuuang kapakanan ng bayan.
Partikular na tinukoy ng Obsipo ang problema ng vote buying tuwing halalan kung saan nangingibabaw ang kasakiman.
Iginiit ni Bishop Pabillo na dapat isaalang-alang ng mga botante sa paghalal ng mga opisyal ng pamahalaan ang kabutihan ng bansa at mamamayan.
“Hindi naman talaga si Jesus, ang Diyos ang hinahanap kundi ang sarili nilang (mga tao sa lumang panahon) kabusugan. Hindi ba madalas din ito mangyari sa atin? Hinahanap natin kung ano ang makukuha natin? Hinahanap natin ang mga kandidato na makabibigay ng gusto natin at hindi naman ng ikabubuti ng bayan? Kaya kapag nakatanggap ng anumang halaga, binoto na sila. Wala namang love of country but love of self.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Pinayuhan ng Obispo ang mamamayan na huwag unahin ang pangangailangang materyal sa paghalal ng mga kandidato.
Kaugnay nito, itinuturing ng Simbahang Katolika na pagnanakaw sa dangal at kalayaan ng bayan ang pagbibenta ng boto sa mga makasariling kandidato na tanging posisyon at kapangyarihan lamang ang ninanais.