528 total views
Umapela si NASSA/Caritas Philippines Chairman at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa mga mananampalataya na isama sa mga pagninilay ngayong Semana Santa ang kagustuhan na makatulong sa mga nangangailangan.
Ayon kay Bishop Bagaforo, mahalaga na isapuso ang pagtutulungan at pagdarasal sa panahon na tayo ay nasa gitna ng pandemya at mga kalamidad na ating nararanasan.
Ipinaliwanag ng Obispo na walang saysay ang pananampalataya kung hindi ito makikita sa gawa gaya na lamang ng pagtulong o alms giving.
“Unang-una ay panawagan ng ating pananampalataya ngayong panahon ng kuwaresma yun pagdadasal at pag aayuno at alms giving, pag-aaly kapwa yun pagtulong sa ating kapwa, importante yun sapagkat sabi nga ng ating Apostoles na si Santiago kung ang ating pananampalataya ay hindi nakikita sa gawa; in vain is our faith, walang kuwenta ang ating pananampalataya”pahayag ni Bishop Bagaforo
Hinikayat ni Bishop Bagaforo ang lahat na patuloy na suportahan ang Alay Kapwa Program ng Simbahang Katolika. Sinabi ni Bishop Bagaforo na maraming mga pamilya ang naapektuhan ng mga kalamidad maliban pa sa krisis na dala ngayon ng Pandemya dahilan upang mas marami ang mangailangan ng tulong.
“Talagang kailangan natin magtulungan kasi kung mapapansin ng lahat, taon-taon hindi bumababa sa 10 mga bagyo o typhoon ang na-eexperience ating bansa at maraming mga affected families sa calamities na tulad ng bagyo.kaya yun ang ating panawagan lalo na ngayong panahon ng kuwaresma na mag alay tayo para sa ating kapwa.” Apela ng Obispo ng Kidapawan, lalawigan ng Cotabato.
Batay sa datos ng Caritas Manila mahigit sa P31 Milyong piso ang pondo na kanilang inilaan para matulungan ang mga Diyosesis na naapektuhan ng mga mapaminsalang bagyo mula last quarter ng taong 2019 hanggang sa pagtatapos ng taong 2020.