1,466 total views
Hinikayat ng rector ng Quiapo church na si Fr. Rufino Sescon, Jr. ang mga mananampalataya at deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na patuloy na isapuso at isabuhay ang pagiging mapagpakumbaba at mabuting tagasunod ng Diyos.
Ito ang pagninilay ni Fr. Sescon, rektor at kura paroko ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa ginanap na Midnight Mass bago ang Walk of Faith noong ika-8 ng Enero.
Ayon sa pari, hindi dapat magpalinlang ang tao sa mga makamundong bagay na nagiging dahilan upang maging mapagmataas sa kapwa at makalimutan ang pagiging mabuting tagasunod ng Panginoon.
Sinabi ni Fr. Sescon na matatagpuan at makakamtan lamang ng tao ang biyaya mula sa Diyos sa pamamagitan ng patuloy na pagtalima sa Kanyang mga kaloob sa sanlibutan.
“Kung nais mong matagpuan ang Diyos, tumingala ka sa kanya. Hindi tayo titingin sa mundo, hindi tayo titingin kung kani-kanino… Ang taong tumitingala, mapagkumbaba. Sapagkat inaamin niya, may Diyos na dakila. Nandyan si Jesus Nazareno.” bahagi ng pagninilay ni Fr. Sescon.
Tagubilin naman ni Fr. Sescon sa mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na patuloy lamang tanawin at sundan ang liwanag na taglay ni Kristo at simulan nang talikuran ang mga makamundong bagay upang makamtan ang kaluwalhatian ng langit.
“Higit pa sa sapat ang biyaya ni Hesus Nazareno. Kaya kailangan nating tumalikod. Mabigat ang kasalanan, pahirap ang kasamaan, sumpa ang kasinungalingan, katiwalian, karahasan, kawalan ng katarungan, hidwaan, kabastusan, gantihan–ang mga ito’y dapat nating iwan upang makapaglakbay tayo nang maayos patungo kay Jesus Nazareno.” ayon kay Fr. Sescon.