229 total views
Mga Kapanalig, daig pa ng epekto ng isang malakas na bagyo ang iniwang pinsala ng low pressure area na nagbuhos ng napakaraming ulan sa Hilagang Mindanao, partikular na sa lungsod ng Cagayan de Oro. Sa lawak ng baha at laki ng halaga ng pinsalang dala ng ilang araw na pag-ulan, isinailalim ang lungsod sa state of calamity.
Sa tingin ng pamahalaang lungsod ng Cagayan de Oro, may dalawang sanhi ang trahedyang ikinasawi ng tatlong tao at ikinasira ng mga ari-arian. Una ay ang luma at hindi na maayos na drainage system o daluyan ng tubig. Ayon sa alkalde ng lungsod, dekada sisenta pa nang huling kumpunihin at isaayos ang mga kanal at estero sa lungsod.
Ang ikalawang dahilan ng malawakang pagbaha ay ang mga pamilyang nakatira sa mga bahay na nakatayo sa paligid ng mga daluyan ng tubig. Paliwanag ng mayor, ang mga informal settlers ang pinagmulan ng mga basurang bumara sa mga daluyan at labasan ng tubig. Kaya naman, nais ng pamahalaang lungsod na ilipat ang mga pamilyang nakatira sa gilid ng creek at mga estero. Isinangkalan na naman ang mga mahihirap upang pagtakpan ang mga pagkukulang sa pagsasaayos ng mga lungsod.
Hindi na bago ang ganitong pag-iisip ng ilang pinuno sa ating pamahalaan. Sa Metro Manila, ginamit ng mga pamahalaang lungsod ang isang mandamus o kautusan ng Korte Suprema upang alisin ang mga pamilyang naninirahan sa mga itinuturing na “danger areas” gaya ng mga pampang ng ilog at estero. Inatasan ng Korte Suprema ang mga lokal na pamahalaan na linisin ang mga ilog sa kani-kanilang lugar na dumadaloy sa Manila Bay. Nagresulta ito sa malawakang paglilipat ng mga pamilya sa mga resettlement sites na itinayo ng pamahalaan sa labas ng Metro Manila gaya ng Bulacan at Cavite. Ganito marahil ang naiisip na pagtugon ng pamahalaang lungsod ng Cagayan de Oro—nabalitaan na kaya nila ang kalagayan ng mga pamilyang inilikas mula sa Metro Manila patungo sa mga lugar na malayo sa mga hanapbuhay at pangunahing serbisyo gaya ng mga ospital?
Walang mali sa layuning linisin ang mga daluyan ng tubig sa ating mga lungsod, ngunit bakit laging kasabay nito ang paglilipat ng mga mahihirap nating mga kababayan palabas ng mga lungsod? Bakit tuwing may pagbaha, palaging nababaling ang sisi sa mga informal settlers? May mga nagsasabing ang malawakang pagtotroso o logging sa kabundukan sa paligid ng lungsod ang dahilan ng flash flood. Bakit hindi ito ang pagtuunan ng pansin? Bakit hindi ang mga taong nasa likod nito ang papanagutin ng pamahalaan?
Gayunman, mahalagang tiyaking ligtas ang mga pamilya sa anumang banta sa kanilang buhay at ari-arian. Kung matuloy man ang paglilipat ng mga informal settlers sa Cagayan de Oro, sana ay maiwasan nito ang mga pagkakamali rito sa Metro Manila upang maiwasang lalo pang maghirap ang mga apektadong pamilya. Gaya ng paalala ni Pope Francis sa Laudato Si’, sa mga kasong kailangang ilipat ang mga pamilyang mahirap at walang katiyakan sa paninirahan, at upang hindi na madagdagan ang hirap na kanilang dinaranas, dapat silang bigyan ng sapat na impormasyon, malinaw na pagpipiliian, at pagkakataong makalahok sa proseso.
Mga Kapanalig, huwad ang kaunlaran ng isang lungsod kung may mga kasapi nito na isinasantabi at iniiwan. Sa Evangelii Gaudium, inilarawan ng ating Santo Papa ang isang mabuti at magandang lungsod: isang lungsod na kayang burahin ang kawalang tiwala ng mga tao sa isa’t isa at kayang pagbuklurin ang mga tao sa kabila ng kanilang pagkakaiba-iba. Ang mga katangiang ito, mungkahi ni Pope Francis, ay mainam na gamiting salik ng kaunlaran.
Bakit hindi natin pag-isipan kung paano magkakaroon ng isang lungsod para sa lahat o ang tinatawag na “inclusive city” sa halip na itaboy ang mga mahihirap palabas?
Sumainyo ang katotohanan.