264 total views
Binibigyang dungis ng mga bandidong grupo ang kanilang pananampalatayang Islam dahil sa ginagawang paglapastangan sa mga imahe at pook dalanginan ng mga Krisitiyano.
Ayon kay Ozamis Archbishop Martin Jumoad, bagama’t karamihan sa mga kapatid nating Muslim ay mabubuti, nadudungisan ng ilang ‘extremist’ ang kanilang hangarin tungo sa kapayapaan dahil sa mga gawain ng mga ito na hindi naman sang-ayon sa katuruan ni Allah.
Unang sinira ng Maute group ang mga religious image sa St. Mary’s cathedral sa Marawi at mga imahe ng santo at consecrated hosts sa San Jose chapel sa Pigcawayan.
Sinabi ng Arsobispo na hindi natin maaring itumbas ang maliit na bilang ng mga extremist sa bilang ng mga mabubuting tagasunod ni Allah, kaya’t mahalagang maipaalala sa kanila na ang kapayapaan ang nais ni Allah at hindi digmaan.
“Kaya we could not equate this to the whole Muslim, kasi extremist sila they don’t have…ang gusto lang nila Islam lang. Pero karamihan sa mga kapatid nating Muslim ay mga mabubuting mga tao. Ito pong mga extremist they are giving bad color to our brother Muslim,”ayon kay Archbishop Jumoad.
Ipinaabot ni Archbishop Jumoad sa kapatid na Muslim na kaisa nila ang Simbahang Katolika sa pagsusulong ng kapayapaan.
“We continue to say that we are one with our Muslim brothers and sisters with the context of pursuing peace because I know they are really yearning for peace and in fact they want that this battle will end in Marawi.”pahayag ni Archbishop Jumoad.
Una na ring kinondena ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo ang ginawang paglapastangan sa San Jose Chapel sa Malagakit Pigcawayan, North Cotabato na aniya’y katumbas din ng paglapastangan Qur’an at pook sambahan ng mga Muslim na kapwa di katanggap tanggap.