400 total views
Ito ang pangunahing layunin ng nagsama-samang grupo na pinangungunahan ng Philippine Misereor Partnership Incorporated at CBCP-NASSA/Caritas Philippines sa paglunsad ng Rights of Nature campaign upang maipagtanggol ang kalikasan mula sa mapanirang mga indibidwal.
Ayon kay Yolly Esguerra, National Coordinator ng PMPI, magkakaroon ng malawakang education campaign sa buong bansa upang mauunawaan ng tao na ang kalikasan ay hindi lamang tulad ng isang bagay na pagkakitaan kundi tulad din ng tao na may mga karapatan na dapat ipaglaban.
“Gusto natin bumuo ng isang movement na malawak kung saan ‘yung advocacy ng Rights of Nature ay maitulak. Ang gusto kasi nating mangyare ay maging rights bearing at magkaroon ng karapatan, na parang Human Rights, may Nature Rights din. So you cannot destroy them o galawin sila immediately at pwede silang mag file ng case as represented ng communities or advocates na katulad natin.” pahayag ni Esguerra sa Radio Veritas.
Isinusulong ngayon ng grupo ang paglikha ng batas para maparusahan ang sinumang sumisira sa kalikasan tulad ng pagmimina at quarry para mabigyan ng katarungan ang kapaligiran.
Magugunitang sa nangyaring landslide sa Itogon Benguet na ikinasawi ng higit sa 60 indibidwal at sa Naga City Cebu na ikinasawi ng 72 katao, pagmimina at quarry ang itinuturong dahilan.
Ang launching na isinagawa sa Aroceros Park sa Maynila noong ika – 29 ng Setyembre ay dinaluhan ng halos isandaang indibidwal mula sa mga Parokya, at grupong makakalikasan tulad ng Green Peace Philippines at Association of Major Religious Superiors of the Philippines.
Batay sa ensiklikal na Laudato Si ni Pope Francis, hinimok nito ang bawat mananampalataya na maging kaisa sa pangangalaga ng kalikasan upang mapakikinabangan pa ng susunod na henerasyon.