627 total views
Mga Kapanalig, ginunita natin kahapon ang Araw ng mga Manggagawa o Labor Day. Araw iyon ng pasasalamat at pagpupugay sa kanila, ngunit higit pa sa mga ito ang kailangan ng ating mga manggagawa.
Ayon sa Labor Force Survey na inilabas ng Philippine Statistics Authority noong Pebrero, tatlong milyong Pilipinong edad 15 pataas ang naghahanap ng trabaho ngunit nanatiling walang trabaho. Sila ang mga unemployed. Sa mahigit 46 milyong may trabaho, anim na milyon ang itinuturing na underemployed o iyong mga may trabaho nga ngunit nagnanais ng dagdag na oras sa trabaho o humahanap ng karagdagang kita o trabaho. Patuloy ang panawagan ng maraming mangagagawa para sa maayos na lugar na kanilang pinagtatrabahuhan, seguridad sa trabaho, at sapat na suweldo.
Ang mga tsuper at mga mangingisda naman ay nananawagan para sa mas malaking ayuda sa gitna ng matinding pagtaas ng presyo ng gasolina. Una nang tinutulan ng pamahalaan ang panawagan ng transport groups na suspindehin ang excise tax o buwis na ipinapataw sa mga produktong petrolyo. Kasalukuyan ding nakabinbin ang pamimigay ng 6,500 pisong ayuda sa mga tsuper dahil ipinagbabawal ang pamamahagi nito ngayong eleksyon.
Patuloy namang nananawagan ang ating mga healthcare workers para sa sapat at mas napapanahong pagbibigay ng mga benepisyo. Ilan sa mga benepisyong ito ay ang special risk allowance, active hazard pay, at meal at transportation allowance na dapat lamang na natatanggap nila bilang frontliners natin sa nagpapatuloy na pandemya.
Para naman sa Alliance of Concerned Teachers, kailangan ding bigyang-pansin ang kalagayan ng ating mga guro. Batay sa isang survey noong Marso, umaabot sa tatlong libong piso ang karaniwang iniaabono ng mga guro sa pagbabalik-eskwela ng mga bata matapos ang dalawang taong distance learning. At ngayong eleksyon, sila ang aasahan natin sa matiwasay na pagsasagawa ng halalan.
Ilan lamang ang mga ito sa mga isyung kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino. Noong isang linggo, nanawagan ang Church People-Workers Solidarity (o CWS) sa mga botante na piliin ang mga kandidatong gagawing prayoridad ang pagtataguyod ng maayos at makataong kalagayan ng mga manggagawa. Hiling din nilang maging tapat ang mga kandidato sa kanilang mga pangako sa oras na maluklok sila sa posisyon. Ikinalulungkot pa ng CWS na nananatiling pangako ang pagwawakas sa endo o ang iligal na kontraktwalisasyon sa bansa. Ang pagtuldok sa endo ay isa sa mga ipinangako ni Pangulong Duterte noong tumatakbo pa lamang siya ngunit bigo siyang matupad ito.
Naniniwala ang mga panlipunang turo ng Simbahan na ang karapatan ng mga manggagawa ay nagmumula sa kanilang dignidad bilang tao at nilalang ng Diyos. Ang makapagtrabaho, ang kumita ng sapat para matustusan ang isang makataong pamumuhay, ang umunlad sa pamamagitan ng paggawa, at ang kalayaang mag-organisa upang lubusang mapakingggan ang kanilang mga hinaing ay ilan sa mga karapatan ng mga manggagawa. Ang pagkamit sa mga karapatang ito ay mahalagang bahagi sa pagtataguyod sa dignidad ng tao. Ang kaunlaran ng tao ay ang pangunahing layunin ng paggawa.
Sinasabi sa Santiago 5:4: “Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi!” Tayo kayâ, kailan natin maririnig ang hinaing ng mga manggagawang inaapi sa ating lipunan?
Mga Kapanalig, ang paparating na eleksyon ay isang konkretong paraan upang tumugon sa daing ng mga manggagawa. Iluklok natin ang mga kandidatong totoong nakikinig sa hinaing ng mga manggagawa at gagawa ng tunay na pagbabago para sa ikauunlad nila. Sa mga employers naman, panawagan natin ang tamang pagbabayad at makataong pagtrato nila sa kanilang mga empleyado.